163 total views
Hindi malilinlang ng Philippine high-level delegation sa United Nations Commission on Human Rights (UNCHR) ang international community.
Ito ang binigyang diin ni Rose Trajano, Secretary General ng Phillippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) kaugnay sa naging presentasyon at rekomendasyon ng delegasyon ng Pilipinas sa UNCHR sa sitwasyon ng bansa sa gitna ng kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Sinabi ni Trajano, hindi malilinlang ng mapagkubling presentation ng mga delegado ng bansa ang tunay na sitwasyon ng karahasan at malaking bilang ng mga namatay sa gitna ng tinaguriang War on Drugs ng pamahalaan.
“First time din po na may video-video presentation, saka slide presentation, nag-level up talaga ang presentation ng Pilipinas. Pero syempre ang finocus nila according to Senator Cayetano yung hindi daw nakikitang official policy ng Pilipinas so ang pinakita po nila ay yung mga clips ni President Duterte nung SONA na sinasabing sumusunod siya sa rule of law, puro declaration iba yung gawa, pero hindi naman po natin mapo-fool o maloloko ang international community kaya po doon sa mga recommendations na yun marami po ang nagsabi na iwasan o huwag mag-insight o parang mag-encourage ng pagpatay. So kahit sinasabi pa ni Senator Cayetano na ito ang official policy ng Presidente namin ay nakita ng international community ang nangyayari…” ang bahagi ng pahayag ni Trajano sa panayam sa Radio Veritas.
Una nang nilinaw ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, layunin ng isinagawang pagharap ng Philippine high-level delegation sa UNCHR na ilahad ang tunay na kalagayan ng bansa sa gitna ng laban ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at hindi upang baguhin ang pananaw ng UN sa kalagayan ng human rights sa bansa.
Bukod dito, inihayag rin ng kalihim na ginagawa na ng pamahalaan ang naging rekomendasyon ng member-states ng UNCHR na pag-iimbestiga sa extra-judicial killings kasunod ng malaking bilang ng mga namatay sa gitna ng anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan at pagpapahayag ng pagkabahala maging ng international community sa nagaganap na karahasan sa bansa.
Batay pa sa tala ng PDEA: mayroon nang naitatalang 9,432 bilang ng homicide cases sa bansa mula ng magsimula ang Duterte Administration noong July 1, 2016 hanggang nitong March 31, 2017.
Mula sa naturang bilang ay 1,847 lamang anya ang mga namatay na may kinalaman sa iligal na droga habang 1,894 ang non-drug related at 5,691 ang patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad.
Una nang nanawagan ang Simbahang Katolika na magagapi lamang ang culture of death sa buong mundo sa pamamagitan ng pagpapalaganap at pagsusulong ng bawat kristiyano sa pagpapahalaga sa kasagraduhan ng buhay na biyaya ng Panginoon.