144 total views
Nararapat na imbestigahan ang nagaganap na pagkamatay ng mga hinihinalang may kinalaman sa illegal na droga.
Ito ang binigyang diin ni Senador Richard Gordon matapos maitala ang malaking pagtaas sa bilang ng mga napapatay sa operasyon ng Philippine National Police laban sa illegal na droga.
“Nakakapagtaka kung bakit ngayon sabay-sabay namamatay at dapat bawat may namatay dapat masusi ang imbestigasyon kung talagang tama ang ginawa, alam mo sa mga kapulisan sa buong mundo, kapag-magdischarge ka lang ng baril ay may imbestigasyon na yan, may pi-fill-apan na papel, bakit ka nagdis-charge ng baril, para matutunan ng pulis kung tama yung pagdischarge ng baril, lalo na kung may namatay dapat automatic mayroong imbestigasyon agad yan ng pulis kung yung kanilang ginawa ay sapat na use of force..” pahayag ni Senador Gordon sa panayam sa Radio Veritas.
Ayon sa United Nations World Drug Report, ang Pilipinas ang may pinakamataas na paggamit ng shabu sa East Asia.
Bago pa man opisyal na manumpa sa katungkulan si incoming President Rodrigo Duterte, mula 10, 2016 hanggang June 15, 2016 ay umaabot na sa 3,760 ang mga naaresto dahil sa ilegal na droga.
Batas sa datos, mula January 1 ng kasalukuyang taon ay tinatayang nasa mahigit 17,600 ang naaresto habang 70-drug suspect naman ang napatay sa engkuwentro.
Sa kabuuang 70-napatay na drug suspects, 31 dito ay nasawi sa pakikipagbarilan sa mga otoridad matapos manalo ni Duterte sa nakaraang May 9, 2016 elections.
Magugunitang, binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na bukod sa parusang kamatayan, hindi rin ito sang-ayon sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa kaniya ay laban sa dignidad ng tao at pagkakaroon ng pangalawang pagkakataon upang magbagongbuhay.