15,556 total views
Nagpasalamat si Jesuit Communications Executive Director Fr. Emmanuel Alfonso, SJ, sa pagkilala sa kanyang mga gawaing ebanghelisasyon at misyon sa simbahan.
Ito ang mensahe ng pari makaraang gawaran ng Bishop Jorge Barlin Service to the Church Award ng Ateneo de Naga University.
Ibinahagi ni Fr. Alfonso na noong kabataan ay nakikita lamang nito ang rebulto ni Bishop Jorge Barlin na isang Bikolanong pari na naging kauna-unahang obispong Pilipino noong 1906.
“Isa pong malaking karangalan ang maparangalan sa ngalan ng isang dakilang Pilipino at Bikolano,” bahagi ng pahayag ni Fr. Alfonso.
Ayon sa Ateneo de Naga University kinikilala sa University Awards ngayong 2025 ang mga indibidwal na nagpapamalas ng pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng kanilang dedikasyon sa mga gawain at adbokasiyang magdudulot ng pag-asa lalo ngayong ipinagdiriwang ang Jubilee Year ng simbahang katolika sa temang ‘Pilgrims of Hope.’
Bukod sa pagiging Heswitang Nageuño kinilala si Fr. Alfonso sa kanyang mga gawain bilang tagapamuno sa media arm ng mga Heswita tulad ng Holy Week Specials, cultural documentaries,
Filipino Jesuit Music gayundin ang THE WORD EXPOsED ni Cardinal Luis Antonio Tagle at ang dalawang tanyag na pelikula na IGNACIO at GOMBURZA na napapanuod sa buong mundo.
“Ipinagmamamalaki ko rin po ang mga nagawa namin sa Jesuit Communications para sa pagpapahayag at pagpapalaganap ng Salita ng Dios sa buong mundo. Lubos akong nagpapasalamat sa karangalang ito, higit sa lahat, salamat sa Diyos,” dagdag ni Fr. Alfonso.
Sa kasalukuyan si Fr. Alfonso ay kasalukuyang Executive Director of Jesuit Communications Philippines, trustee ng ADMU’s John J. Carroll Institute on Church and Social Issues, Coordinator ng Social Communications ng Jesuit Conference of Asia Pacific, at Jesuit Province Assistant for Social Communication.
Ang Bishop Jorge Barlin Service to the Church Award ay iginagawad sa mga Bicolanong pari at relihiyosong may natatanging ambag sa lipunan.
Inaasahang igagawad kay Fr. Alfonso ang service award sa isang pagtitipon sa June 15, 2025.
Si Fr. Alfonso ay kasalukuyang anchor priest ng Veritas Pilipinas program ng Radio Veritas 846 tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes habang Pasakalye naman sa alas singko ng umaga tuwing Linggo.