1,707 total views
Nakatakdang maglunsad ng voters education module ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) bilang bahagi ng mandato nito na gabayan ang mamamayan sa matalinong pagboto tuwing halalan.
Ayon kay PPCRV National Coordinator Dr. Arwin Serrano, layunin ng paglulunsad ng voter’s education module ng PPCRV na ipabatid sa lahat lalo’t higit sa mga volunteers ng organisasyon ang mga patuloy na hakbang na ginagawa ng pangunahing tagapagbantay ng Simbahan sa halalan sa bansa.
“Gusto lang naman na informed lang yung mga volunteers na meron ng ginagawa yung national na mga magiging mukha ng bagong voters education module…” Ang bahagi ng pahayag ni Serrano.
Ipinaliwanag ni Serrano na layunin ng nasabing voters education module na makapagbahagi ng mga kaalaman sa naaangkop at matalinong pakikibahagi ng bawat isa sa halalan hindi nalalapit na halalang pambarangay kundi maging sa 2025 Mid-term elections at 2028 National and Local Elections.
Pagbabahagi ni Serrano, matapos ang nakatakdang paglulunsad ng nasabing voters education module ay magsasagawa naman ang PPCRV ng mga serye ng trainors training sa buwan ng Setyembre upang ganap na maibahagi sa mga volunteers ang mga kaalaman at kasanayan na dapat taglayin ng bawat isa sa pagbabantay sa kabuuang proseso ng halalan sa bansa.
“Yung parang laman niya possibly ibibigay yung gist ng bawat isa, anim kasi yung ipipresent na module tapos parang lalagyan lang siya ng konting mukha kasi after launching ang mangyayari magsi-set-up kami sa September ng trainors training…” Dagdag pa ni Serrano.
Iginiit ni Serrano na layunin rin ng voters education module na magsilbing gabay sa paghuhubog ng mga kabataang makabayan at mulat sa kahalagahan ng demokrasya at halalan sa bansa.
Nakatakda ng paglulunsad ng PPCRV sa voters education module sa ika-5 ng Agosto, 2023 ganap na ala-una ng hapon sa Pope Pius the 12th Catholic Center, Manila kung saan inaasahan ang pagdalo ng ilang mga volunteers ng PPCRV mula sa iba’t ibang diyosesis.