1,756 total views
Inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na layuning palawigin ang ‘Paternity Leave Law.’
Sa ilalim ng House Bill 4430 ni Quezon City Rep. Marvin Rillo ay ibibilang na rin ang mga working father kahit na hindi pa kasal sa ina ng kanilang mga anak na mabigyan ng 30 days paternity leave with pay.
Ito ay kung ang mga tatay ay malaya pang makapagpakasal at nagsasama pa bilang pamilya.
Layunin ng panukala na masuportahan at maalagaan ng mga ama ang kanilang mga bagong panganak na kinakasama gayundin ang kanilang sanggol.
“The month-long paternity leaves credit with full pay would also cover every unmarried working father living in with the mother, provided that there is no legal impediment for them to wed,” ayon pa sa sinasaad ng panukala.
Igniit ni Rillo na hindi dapat ipagwalang bahala ang mga working father kahit hindi pa kasal sa ina ng kanilang anak.
“We should not discriminate against the unmarried working father in the grant of paid paternity leave credits, so long as he is living in with the mother and the couple are free to marry or stay together.”
Tinukoy ni Rillo ang nakasaad sa 1987 Constitution ” for the State to reinforce family solidarity and foster the total development of every family.”
Sa kasalukuyang umiiral na Paternity Leave Law na isinabatas noong 1996, tanging ang mga kasal na lalaking kawani ang benepisyaryo ng batas na pitong araw na pagliban sa trabaho ng may bayad hanggang sa ika-apat na anak.
Isinusulong ni Rillo na maamiyendahan ang batas at sa halip ay mapalitan ang salitang “married” ng “her partner” na ang tinutukoy ay ang “legitimate spouse.”
Bukod sa pagpapalawig ng hanggang “30 working days”, nakasaad din sa panukala na ang lahat ng working fathers, “regardless of their employment status would enjoy the paternity leave credit.“






