66,857 total views
Mga Kapanalig, ang desisyon ba ng Korte Suprema ay parang utos mula sa langit? Para ba itong utos ng hari na hindi mababali?
Siyempre hindi! Dahil may kalayaan tayong mga mamamayan na magsalita, pwede nating magalang na kuwestyunin ang mga desisyon ng ating mga lingkod-bayan, kabilang ang mga mahistrado ng Korte Suprema. At iyan mismo ang nangyayari ngayon kaugnay ng desisyon ng mga mahistrado na ideklarang labag sa Konstitusyon ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Noong Hulyo 25, 13 sa 15 na mahistrado ng Korte Suprema ang nagkasundong ideklara ang impeachment laban kay VP Sara na void ab initio o walang bisa mula sa simula. Labag daw ito sa one-year rule at sa karapatan ng akusado sa due process. Inihihinto ng desisyong ito ang impeachment trial sa Senado.
Pero nilinaw sa desisyon na hindi inaabswelto ng Kataas-taasang Hukuman si VP Sara. Hindi nito ibinasura ang mga alegasyon ng graft and corruption, betrayal of public trust, at iba pa. Ipinagpapaliban lamang ng mga mahistrado ang panibagong impeachment complaint sa loob ng isang taon. Ayon sa Korte Suprema, maaaring magsampa ng reklamo laban sa bise presidente pagsapit ng Pebrero 2026.
Maraming eksperto sa batas, miyembro ng civil society, at akademiko ang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa pasyang ito. Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers, ang desisyon ay may seryosong implikasyon sa tinatawag na checks and balances at sa accountability na itinatadhana ng ating Saligang Batas. Nagdagdag daw ang Korte Suprema ng mga hakbang sa due process na hindi naman hinihingi ng Konstitusyon, katulad ng kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng “initiation” ng isang impeachment complaint. Pinahihina raw ng ginawa ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Kongreso na panagutin ang mga mataas na opisyal ng pamahalaan.
Planong magsumite ng motion for reconsideration ang Kamara. May mga factual errors daw na naging batayan ang desisyon. Iba raw ang sinasabi ng mismong record ng Kamara tungkol sa timeline ng impeachment. Samantala, ayon sa isang survey ng OCTA Research, walo sa bawat sampung Pilipino ang gustong ituloy ang impeachment trial. Malinaw ang mensahe: naghahanap ang taumbayan ng malinaw na kasagutan sa mga paratang laban kay VP Sara.
May mga nagsasabing dahil unanimous ang boto ng Korte Suprema, hindi na ito dapat kuwestyunin. Ngunit sinabi dati ng mismong ponente ng desisyon na si Justice Marvic Leonen, “It is certainly our right as citizens and academics to religiously call attention to the fallibility of the courts.” Mahalaga raw ito lalo na kung may maling interpretasyon ng patakaran o tila may kinikilingan ang Korte Suprema.
Sinasabi sa atin sa Lucas 12:48: “Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.” Dahil ang mga halal na opisyal ay binibigyan ng malaking responsibilidad na pamunuan ang bansa, dapat silang sumunod sa mas mataas na mga pamantayan. Kaya naman, hindi natin dapat ituring ang impeachment bilang pamumulitika lamang. Paraan ito para panagutin ang mga lider nating sangkot sa maling gawain at umaabuso sa kapangyarihan. Paalala nga ni dating Justice Adolf Azcuna, “someone being impeached does not stand to be deprived of life, nor of liberty, much less of property.”
Mga Kapanalig, kasama sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan ang paalala na ang kapangyarihang pulitikal ay dapat managot sa taumbayan. Ipagdasal natin ang ating mga pinuno. Mapaalalahanan sana lagi sila sa kanilang tungkulin sa bayan at sa kabutihang panlahat. Nawa’y hindi hadlangan ng pansariling interes ang paghahanap ng katarungan at pananagutan. Karapat-dapat tayong mga Pilipino na pamunuan ng mga lider na tunay na naglilingkod, hindi pinaglilingkuran.
Sumainyo ang katotohanan.