13,022 total views
Nakikiisa at nananawagan ng suporta ang Diocese of Tarlac at Apostolic Vicariate of Taytay Palawan sa idadaos na Trillion Peso March sa EDSA.
Inihayag Tarlac Bishop Roberto Mallari na buong puso ang kanyang pakikiisa sa adbokasiya na labanan ang korapsyon sa pamahalaan.
Nanindigan ang Obispo na hindi dapat palagpasin ngayon ng taumbayan ang laganap na katiwalian lalu na ang mga anumalya sa flood control projects ng pamahalaan.
Iginiit ng Obispo na panahon upang masawata at maalis ang maling sistema sa paggamit ng pondo ng bayan.
Apela ng Obispo sa mamamayan na makiisa sa idadaos na Trillion Peso March kasama ang lahat ng sektor ng Lipunan.
“Ako ay buong puso at buong tapang na nakikiisa sa A TRILLION PESO MARCH sa EDSA PEOPLE SHRINE! Hindi na natin dapat palampasin ang pagkakataong ito para ipakita ang ating lakas laban sa malawakang katiwalian sa gobyerno—lalo na sa harap ng mga isyung kinahaharap sa Kongreso at Senado tungkol sa mga Flood Control Projects, Kaya’t nananawagan ako sa bawat kababayan, sama-sama tayong tumindig at mag-anyaya ng marami pang kapwa upang lumahok sa pinakamalawak at pinaka-makabuluhang pagkilos laban sa katiwalian! Kung hindi ngayon, kailan pa natin mapupuksa ang paulit-ulit na katiwalian na sumisira sa ating bansa? Panahon na para magising at kumilos nang buong tapang!,” ayon sa mensaheng pinadala ni Bishop Mallari sa Radyo Veritas.
Hinihikayat naman ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mga Pilipino na manindigan at makiisa sa kilos-protesta para sa pananagutan at pagtigil na sa sabwatan sa pagitan ng mga mambabatas, opisyal ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga ganid na kontraktor sa mga proyekto ng pamahalaan.
Sinabi ni Bishop Pabillo na ang pakikiisa sa paninindigan ay pagpapakita sa pamahalaan na hindi pinapahintulutan ng taumbayan ang mga maling gawain.
“Hinihikayat ko po ang mga tao na sumama sa Trillion Peso March doon po sa EDSA upang ipakita po ang ating paninindigan laban sa korapsyon at ang ating panawagan ng pagbabago sa ating pamahalaan, lalung-lalu na po sa ating mga mambabatas, mahalaga po na manindigan tayo ng sama-sama at sabay-sabay upang ipakita natin sa mga pulitiko natin na tayo’y sawa na sa kanilang pagsayang ng pera ng bayan kaya nananawagan po ako na makiisa tayo at ganundin hikayatin natin ang iba na makiisa, isang hapon lang naman ito ng paninindigan para po sa ating bayan,” ayon naman sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.






