22,127 total views
Nagpahayag ng buong suporta ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Action–Justice and Peace (ECSA-JP) at ang advocacy arm nitong Caritas Philippines, sa mga katutubong pamayanan at residente ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, na mahigpit na tumututol sa mining exploration ng Woggle Corporation.
Sa opisyal na pahayag ng CBCP-ECSA-JP/Caritas Philippines na nilagdaan nina outgoing president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, at incoming president San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, binigyang-diin ng simbahan na ang kanilang paninindigan ay nakaugat sa pakikinig sa daing ng kalikasan at ng mga mahihirap.
“We recognize that the protection of their environment and watershed, as well as their very lives and livelihoods, is a righteous fight for the people of Dupax del Norte,” ayon sa pahayag ng Caritas Philippines.
Mariing kinondena ng simbahan ang desisyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bigyan ng exploration permit ang Woggle Corporation kahit walang malinaw na konsultasyon at free, prior, and informed consent (FPIC) mula sa mga katutubong pamayanang direktang maaapektuhan ng proyekto.
Ipinahayag nina Bishop Bagaforo at Bishop Alminaza ang kanilang pangamba na ang isinasagawang mining exploration ay maaaring magbunga ng malawakang pagmimina sa loob ng watershed o protected area na ipinagbabawal ng batas, na nagdudulot ng panganib hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa kabuhayan at kaligtasan ng mga residente.
Binigyang-diin ng simbahan na ang paninindigan ng mamamayan ng Dupax del Norte ay bahagi ng mas malawak na panawagan para sa ecological conversion, alinsunod sa Laudato Si’ ni Pope Francis.
“This expression for the care of our local resources and our planetary home is in line with the Church commitment to integral ecology and social justice,” ayon sa mga Obispo.
Nanawagan din ang simbahan sa administrasyong Marcos Jr. na agarang tugunan ang mga makatwirang hinaing ng mamamayan, kabilang ang ulat ng marahas na dispersal sa mga mapayapang nagpo-protesta.
Hinikayat naman ng Caritas Philippines ang patuloy na pananalangin para sa lahat ng kinauukulan, kabilang ang pamahalaan, mga kompanya ng pagmimina, at mga apektadong komunidad, upang magkaisa sa isang dayalogo tungo sa pagkakaunawaan at katarungan, alinsunod sa diwa ng synodality o pakikinig at pagkakaisa ng Simbahang Katolika.
Iginiit din ng dalawang obispo na ang simbahan ay naninindigan bilang tagapagtanggol ng buhay at patuloy na mananawagan laban sa pang-aapi, pagkasira ng kalikasan, at paglabag sa karapatang pantao.
“Together, we can shift the current paradigm of exploitation to one of care for the environment and the marginalized,” saad nina Bishop Bagaforo at Bishop Alminaza.
Nauna nang umapela si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao sa mga halal na opisyal ng Nueva Vizcaya na manindigan laban sa karahasang nararanasan ng mga tagapagtanggol ng kalikasan sa lalawigan.
Itinuturing ang Nueva Vizcaya bilang “watershed haven” dahil sa mga likas nitong yaman na nagbibigay ng patubig para sa agrikultura at kabuhayan ng lalawigan at mga karatig-rehiyon.






