1,293 total views
Hinimok ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mga Pilipino na magkaisa at paigtingin ang pananalangin sa Panginoon sa pagharap sa anumang uri ng kalamidad.
Ito ang paalala ng Obispo sa mga mamamayan sa pananalasa ng bagyong Tino at supert typhoon Uwan.
Ayon kay Bishop Pabillo, sa tulong ng pananalangin ay tiyak na ililigtas ng Panginoon ang mga Pilipino laban sa mga pinsalang maaring idulot ng kalamidad.
“Kami po ay nakikiisa sa mga tinamaan nang Bagyo na Tino at Uwan lalung-lalu na yung mga talagang directly hit yung mga nasalanta, nakikiisa po kami sa kanila at ganundin sa amin, kami sa Northern Palawan nagdarasal din kami para po sa paghupa, paglihis at saka paghina ng bagyo kaya palagay ko rin, itong paghina ng Uwan na naging Super Typhoon pero ang damage niya ay hindi ganun kalaki, dahil po yan sa mga dasal ng mga tao, kaya patuloy tayong manalangin, patuloy tayong umasa sa Diyos, Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng panahon,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.
Sa ulat ng Obispo, nakabalik na sa tahanan ang mga mamayan sa nasasakupan ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan na pansamantalang nanuluyan sa mga simbahan sa pananalasa ng magkasunod na bagyo.
“May mga tao na pumunta sa amin, sa aming mga chapels, sa aming mga Parokya noong pagdating nang Tino dahil sa malakas na ulan, pero ngayon bumalik nadin sila, so mayroon din may mga umakyat din sa mga chapels namin, kaya ang mga chapels namin ay nagsisilbi rin na evacuation centers noong pagdating ni Uwan pero hindi naman masyadong nagtagal ang mga tao kasi hindi naman ganun nakasira,” bahagi ng panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.




