Muling pinaigting ng Simbahan ang pagsusulong sa beatification at canonization ni Venerable Mo.Ignacia del Espíritu Santo, kasabay ng panawagan na higit sa mga dokumento ay kinakailangan ang malinaw at kapani-paniwalang patunay ng pagkilos ng Diyos sa kanyang pamamagitan.
Sa homiliya sa relaunching ng cause, iginiit ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David na ang tunay na batayan ng pagsulong nito ay hindi lamang nakasalalay sa mga papel at ulat, kundi sa konkretong tanda ng biyaya ng Diyos.
“This is also what we now await in the cause of the venerable Mother Ignacia—not so much new documents, but a clear and credible sign of God’s action through her intercession,” ayon kay Cardinal David.
Binigyang-diin din ng kardinal na ang kabanalang isinabuhay ni Mo. Ignacia ay isang tahimik ngunit matatag na pagtitiwala sa Diyos sa gitna ng kawalan ng katiyakan.
“Like Mother Ignacia, who began as a lay Filipina with no guarantees, yet trusted that God’s quiet grace would be enough,” ani ng kardinal.
Kasabay nito, hinamon ni Cardinal David ang mga miyembro ng Religious of the Virgin Mary (RVM) na ipagpatuloy ang “fiat” ng kanilang tagapagtatag bilang malayang pagtugon sa kalooban ng Diyos.
“You are not only remembering a text. You are celebrating a fiat—a yes that continues to live on in your community and ministry,” dagdag pa ng kardinal.
Ipinaliwanag ng kardinal na ang “fiat” ay hindi simpleng pagsuko kundi isang malayang pagyakap sa kalooban ng Diyos.
Sa kabila ng muling pagsigla ng cause, kinilala ng mga tagapagtaguyod ang pangunahing hamon, kabilang na ang kakulangan ng himalang papasa sa masusing pagsusuri ng Simbahan.
Ayon kay Sr. Maria Anicia Co, RVM, theological consultant ng Ignacian Mission for Sainthood, muling inilunsad ang cause matapos hindi pumasa sa medical panel ang mga naunang iniulat na himala.
“We re-launched because… the submitted miracles did not really pass the medical panel’s evaluation… by 2016, there seems to be a lull,” pahayag ni Sr. Co sa Radyo Veritas.
Aminado ang madre na bahagyang humina ang proseso dahil sa kakulangan ng bagong ulat ng kagalingang maituturing na himala.
“There was a time na parang na-stall yung process… because we did not have any new healing or any new report on healing,” paliwanag niya.
Pinagtibay naman ito ni Sr. Maria Teresita Francia, RVM, chairman ng Mother Foundress Commission, ngunit nilinaw na nananatiling aktibo ang pagsusulong sa kabanalan ng kanilang tagapagtatag.
“We have no miracles that qualify for an instant miracle,” ani Sr. Francia.
Bilang tugon, pinalalakas ngayon ang istruktura ng pagsusulong sa cause sa pamamagitan ng mas sistematikong dokumentasyon at organisasyon.
Kabilang dito ang pagtalaga kina Dr. Dave Cesar Dela Cruz bilang Vice Postulator for External Affairs at Sr. Eloisa Marie Inocentes bilang Vice Postulator for Internal Affairs, kasama ang iba pang kasapi ng Ignacian Mission for Sainthood upang tutukan ang pangangalap at pagsunod sa pamantayan ng ebidensya.
“It might be good to have a vice postulator… to ensure documentation aligns with the norms,” ayon kay Sr. Co.
Layunin din ng relaunch ang pag-isahin ang mga inisyatiba sa pagsusulong ng cause sa mas organisado at wastong paraan.
“We are gathering all the efforts together… a more unified way of promoting the cause,” dagdag niya.
Higit pa rito, binigyang-diin na ang pagsusulong sa kabanalan ni Mo. Ignacia ay paanyaya rin sa bawat mananampalataya na mamuhay sa kabanalan.
“It’s not only Mother Ignacia for sainthood… but each one of us to become truly saints,” giit ni Sr. Co.
Sa huli, nananatiling bukas ang mga tagapagtaguyod sa kalooban ng Diyos habang hinihintay ang himalang magbibigay-daan sa susunod na yugto ng proseso.
Patuloy naman ang panawagan sa mga mananampalataya na makibahagi sa panalangin at aktibong pagsasabuhay ng pananampalataya bilang bahagi ng pagsusulong sa cause.
Ginanap ang relaunching nitong March 25 kasabay ng Feast of the Annunciation sa Our Lady of the Assumption Chapel ng RVM Congregation sa Quezon City, kung saan pinangasiwaan din ni Cardinal David ang panunumpa sa mga kasapi ng Ignacian Mission for Sainthood.
Si Mother Ignacia del Espiritu Santo ay ipinanganak noong 1663 sa Maynila at nag-alay ng buhay sa Diyos sa murang edad. Noong 1684, itinatag niya ang Religious of the Virgin Mary, ang kauna-unahang katutubong kongregasyong pambabae sa Pilipinas. Kilala siya sa kanyang kababaang-loob at matatag na pananampalataya, at idineklara ng simbahan bilang “Venerable” noong 2007 bilang pagkilala sa kanyang banal na pamumuhay.






