46,976 total views
Mga Kapanalig, mahigit isang linggo na ang nakaraan ng simulang mabalot ng usok o haze ang ilang bahagi ng Metro Manila at Bulacan. Dahil ito sa sunog sa Navotas City Sanitary Landfill. Inabisuhan ng Environmental Management Bureau ang mga tao sa mga apektadong lugar na mag-ingat sa hangin na “unhealthy” o mapanganib sa kalusugan.
Halos isang linggo ang nakalipas, tanaw pa rin ang usok mula sa tambakan at nalalanghap pa rin sa mga katabing lugar ang masangsang na amoy nito. Paliwanag ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa naipong methane gas mula sa mga nabubulok na basura. Kapag nabubulok ang basurang basâ at organiko (tulad ng tirang pagkain, dahon, at iba pa), gumagawa ito ng isang uri ng gas na kung tawagin ay methane. Doon mismo sa ilalim ng bundok ng basura nagmumula ang gas na ito, lalo na kung siksik ang tambak at matagal nang nakaipon. Kapag sobra na ang naipong methane at madampian ito ng init o apoy (halimbawa, dahil sa mainit na panahon), puwede itong biglang sumiklab at magdulot ng malaking sunog.
Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, mahigit 300 na residente sa isang isla sa bayan ng Obando, Bulacan ang kinailangang ilikas. Nagpamigay din ang lokal na pamahalaan ng Obando ng face masks sa ibang lugar. Nagpaabot naman ng pagkain ang Navotas LGU sa mga inilikas na pamilya at nangakong magbibigay ng medical assistance kung kinakailangan.
Nasa mga unang buwan pa lang tayo ng 2026, pero ilang trahedya na ang nangyari sa mga tambakan ng basura. Pumasok ang bagong taon na sinabayan ng pagguho ng basura sa Binaliw landfill sa Cebu City. Nasiksik kasi ng tubig ang tambakan ng basura dahil sa ilang araw na pag-ulan sa lugar. Hindi bababa sa tatlumpu ang namatay at marami ang na-trap at pilit na iniligtas.
Isang buwan ang lumipas nang mangyari naman ang pagguho muli ng basura sa isang tambakan sa Rodriguez, Rizal. Isang tao ang kumpirmadong namatay at dalawa naman ang nawawala. Ang landfill ay pinatatakbo ng isang pribadong kumpanya kaya ipinag-utos ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal na imbestigahan ang nangyari. Isa sa mga itinuturong dahilan ng pagguho ng basura ay ang hindi maayos na disenyo ng landfill at ang paraan ng pagtatambak ng mga basura.
Huwag na sanang madagdagan pa ang mga ganitong trahedya sa mga tambakan ng basura. Ilang dekada na rin ang nakalipas nang mangyari ang Payatas trashslide na kumitil din sa buhay ng napakarami, pero tila kulang ang ating mga natutunan. Permanente nang sarado ang Payatas dumpsite, pero nagsulputan pa rin sa iba’t ibang lugar ang mga bundok ng basura.
Sinasalamin ng pagpapatuloy ng operasyon ng mga dumpsites at landfills ang tinawag ni Pope Francis na “culture of waste”, isang kulturang nag-uugat sa modernong konsumerismo kung saan halos lahat ng bagay—kahit pa ang mga tao—ay itinatapon lang kapag hindi na mapakikinabangan. Disposable, ‘ika nga. Ang walang patumanggang pagbili at pagkonsumo natin ay nauuwi sa pagkakaipon ng basura sa mga tambakan, at ang mga tambakan namang ito ay pinagmumulan hindi lang ng polusyon kundi ng panganib sa buhay ng mga tao.
Mga Kapanalig, ang pagtitiyak sa malinis na hangin at tubig nang mabuhay nang maayos ang mga pamayanan ay tungkulin nating lahat. Ipinaaalala ito sa Genesis 2:15 kung saan sinasabing ang tao ay inilagay ng Panginoon sa halamanan ng Eden “upang ito’y pagyamanin at pangalagaan.” Marami nang teknolohiya para pangasiwaan ang ating mga basura, pero naniniwala tayong nagsisimula ang responsabilidad na ito sa bawat isa sa atin. Walang mga tambakang punô ng panganib kung kontrolado natin ang ating pagkonsumo.
Sumainyo ang katotohanan.






