621 total views
Pormal nang inilunsad ang isang independent at civilian-led Truth Commission na magsisilbing truth-seeking body upang bumuo ng kapani-paniwala at pampublikong tala at imbestigasyon hinggil sa mga kaso extrajudicial killings o EJK sa bansa.
Ayon sa EJK Truth Commission, itinatag ang komisyon bilang paggunita na rin ng Pilipinas sa halos isang dekada mula nang nagsimulang lumawak ang mga pagpaslang kaugnay sa inilunsad na kampanya kontra ilegal na droga noong 2016 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ng EJK Truth Commission na bagama’t hindi nagsimula noong 2016 ang karahasan, nananatiling naghahanap ng katotohanan, hustisya, at paghilom ang libu-libong pamilya ng mga nasawi dahil sa lawak at tindi ng karahasang naganap na pagpaslang maging sa mga inosenteng indibidwal noong mga nakalipas na taon.
Ayon naman kay former International Criminal Court judge, Atty. Raul Pangalangan na magsisilbing Chairman for the EJK Truth Commission at Commissioner for Legal Affairs and Due Process, layunin ng binuong komisyon na matiyak na maririnig, mabeberipika, at mapapanatili ang mga kuwento ng mga biktima, survivor, at kanilang pamilya.
“The Truth Commission was created to ensure that the stories of victims, survivors, and families are heard, verified, and preserved. This is not about replacing the courts or assigning guilt. It is about building a credible truth record that can guide accountability, healing, reform, and the prevention of future violence,” Bahagi ng pahayag ni Pangalangan.
Magsisilbing adviser ng EJK Truth Commission si dating Catholic Bishops’ Conference of the Philippines president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David.
Pagbabahagi ng komisyon, mahalaga ang paggabay ni Cardinal David upang mapanatili ang integridad, independence, at misyon ng nasabing Truth Commission lalo na sa usapin ng truth-seeking, due process, proteksyon sa mga survivor, confidentiality, at public trust.
Giit ni Cardinal David, ang katotohanan ay dapat protektahan hindi lamang bilang datos, kundi bilang isang bagay na may dignidad para sa mga pamilyang magbabahagi ng kanilang mga kuwento sa loob ng nakalipas na maraming taon.
“The truth must be protected not only as a matter of record, but as a matter of dignity for the families who have carried these stories for years,” Bahagi ng mensahe ni Cardinal David.
Kabilang din sa mga civilian commissioners na bubuo sa EJK Truth Commission sina Dr. Raquel Barros del Rosario-Fortun bilang Commissioner for Forensic Sciences and Independent Investigation na tutulong sa pagpapaunlad ng mga kapani-paniwalang pamantayan sa paghahanap ng katotohanan, kabilang ang mga protocol sa forensic review, at proteksyon sa ebidensya;
Dr. Al Fuertes bilang Commissioner for Psychosocial Support and Trauma Healing na gagabay sa trauma-informed practice, proteksyon sa mga nakaligtas, mga psychosocial protocol, at healing and recovery support; Fr. Daniel Franklin E. Pilario, CM bilang Commissioner for Church and Education, Truth Literacy, and Institutional Reform na tutulong sa pagsusulong ng truth literacy, prevention strategies, pampublikong edukasyon, at mga rekomendasyon sa reporma ng mga institusyon;
at Carlos Conde na magsisilbi bilang Commissioner for Public Documentation, Transparency, and Democratic Accountability, at Executive Director ng komisyon, na tutulong sa pagtatakda ng mga pamantayan para sa pampublikong dokumentasyon, pag-uulat, accessibility, transparency, at non-partisan public communication.
Pangungunahan ng mga commissioner ang pagsasagawa ng National Truth Hearings kung saan maaaring magbahagi ng testimonya ang mga biktima, survivor, pamilya, eksperto, lider-simbahan, civil society groups, at iba pang sektor sa ilalim ng survivor-centered at non-adversarial safeguards.
Maghahain din ang komisyon ng mga rekomendasyon at periodic reports kada anim na buwan sa mga kaukulang ahensya kabilang ang Commission on Human Rights, Department of Justice, National Police Commission, Kongreso, at Malacañang.






