15,694 total views
Mga Kapanalig, patuloy ang gulo sa Senado, isang institusyong inaasahan nating kumakatawan sa ating mga hangarin at tumutugon sa ating mga pangangailangan.
Noong Lunes, inaresto na si Senador Jinggoy Estrada sa kasong plunder kaugnay ng flood control scandal. Muling napunô ng tensyon sa Senado nang sunduin siya ni DILG Secretary Jonvic Remulla. Iginiit ni dating Senate President Alan Peter Cayetano na huwag hulihin si Senador Estrada sa loob ng Senado. Aniya, pagyurak ito sa “independence” o kasarinlan ng Mataas na Kapulungan.
Noong araw ding iyon, naghintay ang labing-isang senador mula sa minority bloc sa mga kapwa nila senador na nasa majority bloc pero walang dumating. Hindi sila nakapagtrabaho dahil walang quorum. Para sa kanila, boycott ang ginawa ng mayorya. Naninindigan silang ang pag-aresto kay Senador Estrada ay hindi banta sa kasarinlan ng Senado. Ipinakikita nito na walang pinipili ang batas. Kailangang managot sa batas ang sinumang akusado at pagbayaran ang kanilang kasalanan, kung mapatutunayan.
No show pa rin ang mayorya sa sumunod na araw. Sa pagkakataong iyon, nanawagan na ang minorya kay Senador Cayetano na mag-resign bilang Senate President. Anila, maituturing na pag-abandona sa kanyang tungkulin ang hindi pagsipot sa sesyon. Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, gumagastos tayo ng 25 milyong piso sa isang araw para sa Senado. Bawat senador naman, dagdag ni Senador Erwin Tulfo, ay nakatatanggap ng sampung libong piso kada araw. Milyun-milyong pera ng taumbayan ang naaksaya dahil sa hindi pagpasok ng mayorya.
Maraming mahahalagang agenda ang Senado sa mga nasayang na araw. Isa sa mga ito ang pagtalakay sa Anti-Hospital Detention Bill, isang panukalang batas na layong protektahan ang mga pasyenteng hindi pinalalabas ng ospital kapag hindi sila makabayad. Nariyan din ang Magna Carta of Barangay Health Workers na layuning isulong ang mga karapatang paggawa o labor rights ng mga barangay health workers. Sa madaling salita, hindi lang tayo nawalan ng milyun-milyong piso, napagkaitan din tayo ng mga batas na itataguyod ang ating mga karapatan.
Sa ikatlong araw, hindi pa rin pumasok ang majority senators, maliban kay Senador Francis Escudero. Dahil dito, nagkaroon ng quorum sa bilang na 12, batay sa 22 na senador na maaaring gampanan ang kanilang tungkulin (o hindi kabilang sina Senador Estrada at ang nagtatagong si Senador Ronald Dela Rosa). Naging daan ito para maging acting Senate President si Senador Gatchalian at ma-reorganize ang mga komite ng Senado. Sa kabila nito, iginigiit ni Senador Cayetano na siya pa rin ang Senate President at hindi pa rin humuhupa ang kanyang mga patutsada sa mga kapwa niya senador.
Sa mga turo ng Simbahan, ang tunay na demokrasya ay bunga ng pagtanggap sa mga prinsipyong sama-sama nating pinahahalagahan katulad ng dignidad ng tao, mga karapatang pantao, at kabutihang panlahat. Kung walang pagkakasundo sa mga prinsipyong ito, nawawala ang malalim na kahulugan ng demokrasya at nakokompromiso ang katatagan nito. Magiging ganap lamang ang demokrasya kung sama-sama nating isinusulong ang dignidad at karapatan ng bawat isa tungo sa kabutihang panlahat.
Lalayô tayo sa tunay na demokrasya kung patuloy na uunahin ng ating mga senador ang kanilang pansariling interes. Ginagamit nila ang puwesto at kapangyarihang ipinahiram natin sa kanila para sa kanilang mga sarili. Sinasayang nila ang pagkakataong baguhin ang buhay nating mga Pilipino.
Mga Kapanalig, ipagdasal natin ang mga nangyayari sa ating bayan, lalo na sa Senado. Sa susunod nating pagpili ng mga senador, makapagluklok sana tayo ng “mga taong marunong, maunawain at iginagalang,” ‘ika nga sa Deuteronomio 1:13. Sa ngayon, huwag tayong mapagod na subaybayan ang ginagawa ng ating mga mambabatas upang matiyak na kahit papaano’y tumutungo tayo papalapit sa tunay na demokrasya.
Sumainyo ang katotohanan.






