499 total reads
Hinamon ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Lipa Archbishop Gilbert Garcera ang mga Catholic journalist, digital influencer, at digital missionary na gamitin ang makabagong komunikasyon hindi lamang upang ipahayag ang Ebanghelyo, kundi upang patuloy na maging instrumento ng pagbabahagi ng mensahe ni Hesus sa buong rehiyon sa pamamagitan ng pakikinig, pakikipag-ugnayan, paglilingkod, at tapat na pagsaksi.
Sa kanyang homiliya sa kauna-unahang Asian Catholic Digital Missionary Assembly (ACDMA) 2026, binalikan ni Archbishop Garcera ang kasaysayan ng Radio Veritas Asia at ang naging papel nito sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Katoliko sa iba’t ibang bahagi ng Asya.
Ikinuwento rin ng Arsobispo na nagsilbing administrative director ng Radio Veritas Asia sa loob ng pitong taon matapos ang People Power Revolution noong 1986, sa ilalim ng pamumuno noon ni Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin, na sa pamamagitan ng analog shortwave transmission ay narinig mula sa RV Asia ang tinig ng Simbahan sa iba’t ibang bansa, gamit ang mga serbisyo sa Telugu, Urdu, Tamil, Kachin, Karen, Mandarin, Bengali, Hindi, Sinhala, Chinese, Filipino, at iba pang wika.
Ayon kay Archbishop Garcera, nagmula ang Radio Veritas Asia sa pananaw ng Federation of Asian Bishops’ Conferences (FABC) na maihatid ang Ebanghelyo sa gitna ng magkakaibang realidad ng Asya.
Pagbabahagi ng Arsobispo, bagama’t nagbago na ang teknolohiya mula sa shortwave radio patungo sa social media, podcasts, livestreams, at artificial intelligence ay nanatili pa rin ang misyon ng Catholic media.
“But the mission remains. The mission remains: to bring truth, hope, and the Gospel to the peoples of Asia.” Bahagi ng pagninilay ni Archbishop Garcera.
Binigyang-diin din ng Arsobispo na sa konteksto ng Asya, hindi lamang dapat maingay ang pagpapahayag tungkol kay Kristo sa halip ay tinawag niya itong ‘whispering Jesus in Asia’ na isang paraan ng misyong nakaugat sa pagpapakumbaba, pakikinig, pakikipagkaibigan, at pakikipamuhay kasama ng mga tao.
“We do not just proclaim Jesus in Asia; we whisper Jesus in all of Asia.” Dagdag pa ni Archbishop Garcera.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na ang “whispering Jesus” ay nangangahulugan ng paglapit sa mga tao at pag-unawa sa kanilang kultura at karanasan, lalo na ng mga mahihirap, migranteng manggagawa, katutubo, kabataan, biktima ng kawalang-katarungan, at iba pang nasa laylayan ng lipunan.
Giit ni Archbishop Garcera, kailangang matutong makinig ng mga Catholic media sa Asya bago ito magsalita tungkol dito.
Binigyang-diin din ni Archbishop Garcera na ang mga journalist at digital influencer ay hindi lamang basta content creators kundi mga witnesses na may moral na pananagutan sa bawat impormasyong kanilang inilalabas.
“Before we speak about people, learn to listen to people. Dear journalists and digital influencers, you are not merely content creators. You are not merely content creators; you are witnesses. And I say in a loud voice: you are witnesses.” Ayon pa kay Archbishop Garcera.
Paliwanag ng Arsobispo, bawat headline, larawan, video, post, at kuwento ay may kaakibat na pagpili kung kaninong tinig ang bibigyang-pansin at kung sino ang maaaring manatiling hindi naririnig.
Dahil dito, hinamon ni Archbishop Garcera ang mga communicator na huwag gawing sukatan ng katotohanan ang dami ng clicks, likes, reactions, shares, at followers.
Para kay Archbishop Garcera, dapat suriin ng mga communicator kung nakatutulong ba sila upang mas malinaw na makita ng publiko ang realidad o lalo lamang silang nakadaragdag sa kalituhan.
“In a world where truth can easily be measured by clicks, likes, reactions, and shares, we must never allow popularity to become the measure of truth.” Ani Archbishop Garcera.
Kasabay nito, binigyang-diin din ng Arsobispo ang pangangailangang suriin muna ng mga communicator ang sariling pagkiling, palagay, at bias bago ilantad ang pagkukulang ng iba, na hinango niya mula sa panawagan ni Pope Francis sa Fratelli Tutti ang kahalagahan ng ‘disarm words’ o ang paggamit ng salita upang magpagaling at bumuo ng tulay sa halip na maghasik ng galit at pagkakahati.
Aniya, hindi nangangahulugan ang “disarming words” na paghina ng pamamahayag, kundi ang pagsasabi ng katotohanan nang walang pagkamuhi, pagtuligsa sa kawalang-katarungan nang hindi inaalisan ng dignidad ang tao, at pagpuna nang hindi naninira.
Sa panahon ng misinformation at artificial intelligence na maaaring lumikha ng kapani-paniwalang maling impormasyon, sinabi ng Arsobispo na lalong tumitimbang ang pananagutan ng mga mamamahayag.
“Therefore, verify before you publish. Listen before you judge. Understand before you interpret. Give context before you condemn.” Dagdag pa ni Archbishop Garcera.
Binigyang-diin din ng Arsobispo na ang Asya ay mayroong magkakaibang realidad, dahil binubuo ito ng iba’t ibang kultura, relihiyon, wika, antas ng kaunlaran, kahirapan, tunggalian, at pag-asa.
Sa pamamagitan ng Federation of Asian Bishops Conference, sinabi rin ni Archbishop Garcera na isinusulong ng Simbahan sa Asya ang triple dialogue, ang pakikipagdayalogo sa iba’t ibang kultura, relihiyon, at sa mga mahihirap.
Ayon sa Arsobispo, bahagi rin ng “whispering Jesus in Asia” ang pagsasabuhay ng Ebanghelyo sa mga kulturang Asyano, pakikipagkaibigan at pakikipagtulungan sa iba’t ibang relihiyon para sa kapayapaan, at pagiging kasama ng mahihirap sa pamamagitan ng habag, pakikiisa, at paglilingkod.
Samantala, hiniling din ni Archbishop Garcera sa mga journalist, digital influencer, at digital missionary na maging tinig na nagsasalita sa Asya, nakikinig sa Asya, at nagbibigay ng pag-asa sa Asya.
Giit ng Arsobispo, ang digital mission para sa Simbahan ay hindi lamang tungkol sa pag-abot sa mas maraming tao sa pamamagitan ng teknolohiya, kundi isa ring panawagan na dalhin si Kristo sa digital world sa paraang nakaugat sa katotohanan, dignidad ng tao, katarungan, kapayapaan, at kabutihang panlahat.




