1,290 total views
Ito ang mensahe at hamon ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa sambayanang Pilipino sa paggunita ng ika-128 Araw ng Kalayaan.
Ayon sa Arsobispo, dapat pagnilayan ng mamamayan kung may tunay nga bang kalayaan na ipinagdiriwang sa gitna ng mga suliranin sa pamahalaan, kahirapan ng maraming Pilipino, at pangamba sa kinabukasan ng kabataan.
Giit niya, habang tinitingnan ang kalagayan ng bansa, makikita ang kaguluhan sa pamumuno, ang hirap ng mamamayan, at ang kawalan ng katiyakan sa kinabukasan ng mga bata at susunod na henerasyon.
“Kapag tumingin ka sa mga pinuno, ang gugulo nila, ang ingay-ingay nila, pag tumingin ka sa iyong kaliwa at kanan, hirap na hirap ang ating mga kababayan. Kapag tumingin ka sa ibaba, ang ating mga bata, ang ating mga musmos, ang ating mga sanggol, ano ang kanilang kinabukasang haharapin,” ayon sa video message ng arsobispo sa kaniyang Father Soc Facebook account.
Binigyang-diin din niya na bagama’t malaya na ang Pilipinas mula sa dayuhang pananakop, nananatili pa rin ang mas malalim na uri ng pagkaalipin—sa kasinungalingan, maling paniniwala, katamaran, at kakulangan sa kritikal na pag-iisip.
Ayon pa sa Arsobispo, ang tunay na banta sa kalayaan ay nagmumula rin sa loob ng lipunan kapag pinipili ang maling gawi na humahadlang sa pag-unlad ng bayan.
Giit niya, ang tunay na kalayaan ay nagsisimula sa pagbabagong-loob—sa paggamit ng isip, konsensya, at paghahanap ng katotohanan sa araw-araw na pamumuhay.
“Mga minamahal kong kapatid, ang tunay na banta sa ating kalayaan ay tayong lahat ng mga Pilipino. Kailangan mamuhay tayo ng may sariling isip, may sariling disposisyon, may lakas, may liwanag ng puso, may liwanag ng pananaw sa pagkatuto ang kailangan ng ating bayan,” panawagan ng arsobispo.
Hinimok din niya ang publiko na mamuhay nang may katapatan, liwanag ng pag-iisip, at malasakit sa kapwa upang tunay na maisabuhay ang diwa ng kalayaan.
Paalala ng Arsobispo, ang kalayaan ay hindi lamang paggunita ng nakaraan kundi isang araw-araw na pananagutan ng bawat Pilipino sa pagpili ng tama at makabuluhang pamumuhay.
Nagpaabot ng pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino sa sa paggunita ng ika-128 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, ang deklarasyon ng kalayaan sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898 ay mahalagang yugto sa kasaysayan ng bansa kung saan ipinahayag ng mga Pilipino ang kanilang karapatang pamahalaan ang sarili at tukuyin ang sariling kinabukasan.
“As we honor this day, we are reminded that freedom is not merely a legacy we inherit but a responsibility we must uphold,” ayon sa mensahe ng Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo na sa kabila ng mga digmaan, krisis, at iba’t ibang pagsubok na hinarap ng bansa sa paglipas ng mga taon, nanatiling matatag ang diwa ng Pilipino at ang hangaring makamit ang isang mas maunlad na Pilipinas.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na ang kalayaan ay hindi lamang pamana ng nakaraan kundi isang pananagutang dapat pangalagaan ng bawat mamamayan.
Aniya, bagama’t kolonyalismo ang hinarap ng mga bayani noon, iba naman ang hamon sa kasalukuyan tulad ng paglaganap ng maling impormasyon, wastong paggamit ng teknolohiya, at pagpapanumbalik ng tiwala at pagkakaisa sa lipunan.
Dagdag pa ng punong ehekutibo, “While our forebears fought colonial oppression through revolution, reform, and intellectual resistance, we face chalenges of a different kind today. We must protect truth from distortion, harness technology wisely, and restore trust in a time increasingly marked by division and distrust. How we respond to these demands will shape the course of our nation and define what we pass on to future generations.”
Nanawagan ang Pangulo sa mga Pilipino na patuloy na makiisa sa pagsusulong ng aktibong pagkamamamayan, mabuting pamamahala, at pagkakaisa upang maitayo ang isang Bagong Pilipinas na karapat-dapat sa sakripisyo ng mga bayani at sa mga pangarap na nagbigay-buhay sa Republika.
Hinimok din ng punong ehekutibo ang publiko na gawing makabuluhan ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa kasaysayan at mas malalim na pagmamahal sa bayan.






