2,372 total views
Mga Kapanalig, parami na nang parami ang mga nakatatanggap ng mga maleta na naglalaman ng limpak-limpak na perang kickback diumano mula sa mga maanomalyang flood control projects.
Sa isang press conference, nagpakita ang mga nagpakilalang dating security aide ng nagtatagóng si dating Ako Bicol Party-list Repesentative Zaldy Co ng larawan na nagpapahiwatig na naghatid sila ng maleta kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan. Mariing itinanggi ng senador ang paratang na ito ng mga bagman umano ng kontrobersyal na kongresista. Ayon kay Senador Pangilinan, ang nangyaring presscon ay “Puro pasaring. Puro alegasyon. Puro palabas.”
Unang pumutok ang isyu tungkol sa perang nakamaleta noong Nobyembre 2025. Lumitaw ang whistleblower na si Orly Guteza na nagbanggit sa isang pagdinig ng Senado tungkol sa pag-deliver niya ng pera. Pebrero naman ngayong taon nang isang grupo ng mga nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines ang humarap sa media para sabihing sila ang nag-deliver ng perang nakamaleta sa mga pulitiko. Kabilang sa mga pinangalanan nilang nakatanggap daw ng mga maleta ay sina Pangulong Bongbong Marcos Jr at dating House Speaker Martin Romualdez. Aabot daw sa 805 bilyong piso ang halaga ng perang ipinamudmod ng dati nilang boss.
Sa paglipas ng mga buwan, nadagdagan ang listahan ng tinaguriang “Maleta Boys” ng mga nakatanggap diumano ng kickback—mula kay dating Senadora Leila de Lima hanggang sa mga kalihim ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Idinamay din nila si dating Senador Antonio Trillanes IV na ginamit umano ang perang natanggap niya para pondohan ang mga imbestigador ng International Criminal Court (o ICC). At kamakailan nga, pati pangalan ng mga miyembro ng media ay idinawit na ng “Maleta Boys”.
Nakakapagod nang sundan ang kuwentong pilit inilalako ng mga “Maleta Boys” at ng mga nasa likod nila. Sa isang araw, idadawit nila ang pangalan ng kung sinu-sino; kinabukasan, babawiin nila ang kanilang sinabi at mangangatwirang nagkamali lang sila. Sa kaso ng pagdawit kay Senador Pangilinan (pati sa misis niyang si Sharon Cuneta), hindi naman daw sila inakusahan ng “Maleta Boys”, ayon sa kanilang abogado. Ipinakita lang daw sa kanilang presscon ang larawan bilang patunay ng paggamit ng senador ng helicopter ni Zaldy Co para sa kanyang kampanya noong eleksyon.
Nakapagdududa na kung katotohanan ba talaga tungkol sa flood control scam ang gustong isiwalat ng “Maleta Boys”. Hindi kaya layon lang nila—at ng mga taong nasa likod nila—na sirain sa mata ng publiko ang mga kalaban sa pulitika ng mga personalidad na sinusuportahan nila. “Kalaban ka ni ganito? Pabor ka sa impeachment? Isasama ka namin sa listahan ng mga nakatanggap ng maleta!” Para lang itong drug matrix noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. “Ayaw mo sa kanyang pamamalakad? Magiging target ka ng kampanya kontra droga. Mapapahiya ka!”
Ang problema, marami sa atin ang agad na naniniwala kahit walang matibay na ebidensya. Madali tayong mapaniwala ng mga kuwento, haka-haka, at tsismis. Nabubulag tayo ng ating pagkapanatiko sa isang tao o pamilya. Hindi na natin sinusuri ang ating mga nababasa at napapanood. Sa mga ganitong tao nagtatagumpay ang mga nagpapagamit sa pagpapakalat ng kasinungalingan.
Kinikilala maging ng Simbahan ang matinding pinsala sa lipunan na dala ng pagbabaluktot sa katotohanan. Pinahihina nito ang ating tiwala sa isa’t isa, maging sa mga institusyong dapat nagtataguyod ng ating kabutihan. Sinisira nito ang ugnayan natin—ng mga mamamayan at ng mga namamahala. Kapag maraming naniniwala sa mga gawa-gawang kuwento, hindi tayo makapagpapasya nang tama at makatwiran.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Mga Kawikaan 6:16-19, isa ang kasinungalingan sa mga kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos. May panahon pa ang mga “Maleta Boys” na piliing maging instrumento ng katotohanan.
Sumainyo ang katotohanan.




