172 total views
Hindi matatapos ang problema hangga’t hindi naibabalik ang tinanggal na benepisyo sa mga kawani ng Bureau of Immigration.
Ito ang paninindigan ni Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)chairman Leody De Guzman kaugnay sa inalis na overtime pay sa mga tauhan ng Bureau of Immigration na naging sanhi ng kaguluhan sa Ninoy Aquino International Airport.
Iginiit ni de Guzman na karapatan ng mga immigration officers ang pagtanggap ng overtime pay na malaking tulong sa kanilang pamilya.
“Hindi talaga pupuwedeng tatanggalin mo yung benepisyong tinatanggap na ng mahabang panahon ng mga manggagawa, violation ‘yon.Dapat bigyan talaga ng proteksyon ang ating mga manggagawa. Una, dapat silang gawing regular, dapat ibalik yung kinaltas sa benepisyong nakukuha ng mga manggagawa dahil ‘yon naman ay pinagtatrabahuhan nila”pahayag ni de Guzman
Nilinaw ni De Guzman na dapat ang malaking suweldo ng mga opisyal ng pamahalaan ang bawasan at hindi ang maliit na sahod at benepisyo ng mga immigration personnel.
Matatandaang noong April 2, 2017 ay sabay-sabay na lumiban ang 19 na immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport kung saan 3 immigration counter lamang ang bukas na siyang naging dahilan ng matagal na paghihintay at mahabang pila ng mga pasahero.
Isa sa itinuturong dahilan ay ang veto ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang tumapos sa 29 taon na pagkakaroon ng overtime pay ng mga empleyado ng BI na nanggagaling sa Express Lane Funds/Charges (E-L-F) na una nang isinulong ni dating senador at Immigration Commisioner Miriam Defensor-Santiago.
Sa kalasukuyan ay mahigit dalawang libong immigration personnel at hindi regular na empleyado ang apektado sa veto ni Pangulong Duterte at hindi pa rin nakakakuha ng kabayaran sa kanilang overtime pay sa nakalipas na tatlong buwan.
Nakasaad sa Labor Codes of the Philippines ang non-dimination of benefits kung saan hindi maaaring bawasan, ihinto at tanggalin sa isang empleyado ang mga benepisyo na kanyang nararanasan kabilang na ang pribilehiyo sa seguridad at kalusugan gayundin ang maternity benefits at service incentive leave.
Sa Laborem Exercens si Pope St. John Paul II, nakasaad na dapat kilalanin ng mga kumpanya ang karapatan ng mga manggagawa sa kanilang trabaho at hindi lamang ang kanilang salaping kikitain.