301 total views
Nanawagan ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng pananagutan at paggalang sa ‘rule of law’ kaugnay ng mga usapin ng katiwalian at impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kaniyang programang Veritasan sa Radyo Veritas, sinabi ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Public Affairs, nananatiling malinaw ang paninindigan ng Simbahan na dapat manaig ang legal at demokratikong proseso sa pagresolba ng mga kontrobersiyang kinahaharap ng bansa.
Sinabi ni Fr. Secillano na suportado ng Simbahan ang pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan, kabilang ang masusing imbestigasyon sa mga alegasyon ng katiwalian gaya ng usapin sa flood control funds.
Gayunman, nilinaw niyang walang kapangyarihang magsiyasat o magsampa ng kaso ang Simbahan.
“Ang Simbahan ay walang police powers at wala ring investigative powers. Ang meron kami ay moral suasion,”ani Secillano.
Binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng mga pahayag, homiliya at panawagan, hinihikayat lamang ng Simbahan ang mga institusyon ng pamahalaan na gampanan ang kanilang mandato.
Iginiit din niya na mali ang pananaw na nananahimik ang Simbahan sa mga usapin ng katiwalian.
“No, we are not quiet…we are standing up for the common good. We are standing up for what is just. We are standing up for what is, you know, sabi nga natin, legal.” Ani Fr. Secillano.
Kaugnay naman ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Fr. Secillano na hindi kaaway ng Simbahan ang Bise Presidente at hindi rin bahagi ng paglilitis ang mga obispo at pari.
Aniya, “Ang impeachment ay isang constitutional at political process. Hindi mga obispo o pari ang mga hukom dito.”
Ipinaliwanag din niyang bagama’t may ilang pari na naghain ng reklamong impeachment, hindi ito nangangahulugang opisyal na paninindigan ng buong Simbahang Katolika.
Sa halip, sinabi niyang iginagalang ng Simbahan ang kalayaan ng bawat mamamayan na gamitin ang mga demokratikong mekanismong nakasaad sa batas.
“Let the whole process take its course, and let the democratic processes be applied, and then the rule of law also be applied,” pahayag ni Fr. Secillano.
Sa huli, hinimok ng pari ang publiko na ipagdasal ang lahat ng sangkot sa impeachment proceedings upang manaig ang katotohanan, katarungan at kabutihang panlahat.
“And then yung mga kababayan natin, mga Pilipino, ipagdasal din po natin na sana makamtan din natin yung hustisya. And then yung mga tao sa gobyerno, ipagdasal natin na sana hipuin sila ng Panginoon na gawin nila kung ano yung tama at makabubuti para sa bayan at taumbayan.,” pagtatapos ni Fr. Secillano.




