157,979 total views
Mga Kapanalig, nagsimula na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa unang mga araw ng paglilitis, nakatuon ang Senado, bilang impeachment court, sa Article IV ng Articles of Impeachment. Dito inaakusahan si VP Sara ng paggawa ng isang impeachable offense dahil sa kanyang pagbabanta sa buhay nina Pangulong Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Para patunayan ang kanilang ebidensya, iniharap ng prosekusyon si NBI Agent John Mark Calilung. Tinalakay niya ang video noong 2024 kung saan sinabi ni VP Sara na nakapag-utos na siya ng isang tao na papatay sa tatlo sakaling may mangyari sa kanya.
Habang isinasagawa ang direct examination, kapansin-pansin ang sunud-sunod na “objection” mula sa kampo ng depensa. Halimbawa, nang tanungin ng prosekusyon si Calilung kung saan bahagi ng video binanggit ng bise presidente na nakapag-utos na siya ng papatay sa pangulo, sa unang ginang, at sa dating House Speaker, agad na nag-object ang depensa. Misleading daw at walang malinaw na batayan sa naunang testimonya ang tanong ng prosekusyon. Iginiit naman ng prosekusyon na ilang ulit nang ipinaliwanag ng testigo na ang naturang pahayag ang mismong paksa ng imbestigasyon. Sa huli, ibinasura ni Presiding Officer Senator Francis Escudero ang objection at pinahintulutan ang prosekusyon na ipagpatuloy ang pagtatanong.
Kinabukasan, naglatag naman ng panibagong argumento ang depensa. Ayon kay Atty. Mark Vinluan, dapat umanong tingnan sa tamang konteksto ang mga naging pahayag ni VP Sara. Aniya, hindi siya nagsasalita bilang pangalawang pangulo kundi bilang isang asawa, ina, anak, at kapatid na naniniwalang may banta sa kanilang pamilya sa ilalim ng umano’y “Operation Romanov.”
Mahalagang isaalang-alang ang konteksto ng anumang pahayag. Pero sapat ba ang konteksto makaiwas ang isang tao sa pananagutan? Ang kalayaan sa pagpapahayag ay hindi nangangahulugang malaya rin tayo sa pananagutan sa ating mga sinasabi, lalo na kung tayo ay mga opisyal ng pamahalaan. Kung sapat ba ang mga naging pahayag ni VP Sara upang maging batayan ng impeachment ay mismong tanong na kailangang sagutin ng Senado, at ang sagot ay dapat nakabatay sa ebidensya.
Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng paglilitis na ito. Pabor man sa prosekusyon o sa depensa ang magiging resulta, may karapatan ang taumbayan na makita kung paano sinusuri ang bawat testigo, bawat dokumento, bawat objection, at bawat cross–examination. Sa ganitong paraan lamang tayo higit na mapapalapit sa katotohanan. Ang mahalaga sa impeachment trial ay ang pagiging bukás, patas, at malinaw ng buong proseso.
Ayon kay dating Supreme Court Justice Adolfo Azcuna, ang impeachment ay isang pulitikal na mekanismo ng pananagutan. Ito ay isang paraang itinakda ng Konstitusyon upang alamin kung karapat-dapat pa bang manatili sa tungkulin ang isang opisyal na pinagkatiwalaan ng sambayanan.
Paalala rin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP) na ang pampublikong kapangyarihan ay umiiral upang isulong ang kabutihang panlahat o common good. Dahil dito, inaasahang ang mga opisyal ng pamahalaan ay lalampas sa pansarili o pampulitikang interes at kikilos nang may katarungan at katapatan sa katotohanan.
Mga Kapanalig, ang tungkulin ng Senado bilang impeachment court ay timbangin ang mga ebidensya at magpasya nang may integridad. Tayo namang mga mamamayan ay may tungkuling magbantay sa pagpapanagot sa ating mga lider. Kung ang mga abogado ay naghahain ng objection kapag may nakikita silang paglabag sa proseso, tayo naman ay dapat ding mag-object sa mga pinunong lumalabag sa tiwala ng taumbayan. Tulad ng paalala sa 1 Corinto 4:2, “Bukod dito’y kinakailangan sa mga katiwala, na ang bawa’t isa ay maging tapat.” Nawa’y manaig ang katapatang iyon—hindi lamang sa mga senador na hahatol, kundi sa lahat na nagtataguyod ng katotohanan at pananagutan.
Sumainyo ang katotohanan.




