77,937 total views
Mga Kapanalig, tuluyan nang naisailalim sa kustodiya ng Sandiganbayan si Senador Rodante Marcoleta matapos siyang arestuhin dahil sa kasong plunder. Naganap ito apat na araw matapos ang rally ng mga kapwa niya miyembro ng Iglesia ni Cristo, patunay na hindi natinag ang proseso ng batas sa kabila ng malawakang pagpapakita ng suporta sa kanya.
Kinakaharap ni Senador Marcoleta ang kasong plunder matapos niyang amining tumanggap siya ng 75 milyong pisong campaign donation. Ayon sa kaso, hindi niya idineklara ang naturang donasyon sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (o SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (o SOCE).
Damay rin sa kaso ang tatlong donors na nahaharap din sa hiwalay na paglabag sa Presidential Decree No. 46 dahil ang donasyon nila ay tinanggap ni Senador Marcoleta noong isa pa siyang party-list representative. Dahil non-bailable ang kasong plunder, agad silang isinailalim sa kustodiya ng Sandiganbayan at PNP-CIDG. Ibinasura kasi ng Sandiganbayan ang mga mosyong inihain ng kampo ni Senador Marcoleta upang pigilan ang pagpapatuloy ng kaso.
Pero bago pa man mailipat sa Quezon City Jail, nakaranas umano si Senador Marcoleta ng paninikip ng dibdib at alta-presyon kaya isinugod siya sa PNP General Hospital. Batay sa isinagawang pagsusuri, lumabas na siya ay hypertensive na nagdulot ng enlarged heart. Meron din siyang mild pneumonia at degenerative disc disease. Dahil dito, nanatili siya sa ospital nang halos apat na araw upang maobserbahan ang kanyang kondisyon bago naideklarang fit to travel noong Biyernes.
Sounds familiar, ‘di ba, mga Kapanalig? Paulit-ulit na itong nasasaksihan ng taumbayan. Kapag nasa kapangyarihan, walang kinatatakutan ang ilang pulitiko. Matatapang silang magsalita at matitibay ang loob lalo na kung alam nilang may mga kaalyado at makapangyarihang taong handang sumuporta at magtanggol sa kanila. Pero kapag dumating na ang oras na sila naman ang haharap sa batas, biglang lumalabas ang iba’t ibang sakit na ginagawang dahilan para maantala ang kanilang pagkakakulong.
Hindi ipinagkakait kay Senador Marcoleta ang karapatang makatanggap ng agarang atensyong medikal. Sa edad niyang 72, hindi na rin kataka-takang mayroon na siyang mga karamdamang kaakibat ng pagtanda. Pero hindi rin natin masisisi ang publiko na magtanong. Bakit tila sa mismong sandali ng pag-aresto nagsisilabasan ang mga karamdamang ito? Bakit tila paulit-ulit na lamang itong nangyayari sa tuwing may makapangyarihang opisyal na pinapanagot? Ang ganitong mga pagkakataon ay lalo lamang nagpapatindi sa pagdududa ng taumbayan at nagpapahina sa kanilang tiwala na pantay ang pagpapatupad ng batas para sa lahat.
Sa mga ganitong pagkakataon nasusubok ang kredibilidad ng ating sistema ng hustisya. Kapag ang mga makapangyarihan ay may kakayahang maantala ang prosesong agad na dinaranas ng karaniwang mamamayan, lumalakas ang paniniwalang may dalawang mukha ang hustisya: isa para sa may kapangyarihan at isa para sa ordinaryong tao. Ito ang sistema na kailangang tuluyang wakasan.
Hindi ito ang uri ng lipunang nais ng Diyos para sa atin. Bilin Niya sa Deuteronomio 1:17 na dapat litisin ang lahat ng tao nang pantay-pantay. Hindi dapat nakabatay ang pananagutan sa pangalan, impluwensya, o katayuan ng isang tao. Sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, sinasabing ang tunay na kaayusan ng lipunan ay nakasalalay sa katarungan. Kung nais nating manaig ang batas, dapat itong manaig para sa lahat.
Mga Kapanalig, hindi natin dapat hayaang maimpluwensyahan ng simpatya o awa ang ating paghatol. Kung may karamdaman ang isang akusado, karapatan niyang makatanggap ng atensyong medikal. Pero hindi dapat ito maging dahilan upang maantala o malihis ang takbo ng hustisya. Sa huli, ang hinihingi ng taumbayan ay hindi paghihiganti kundi pananagutan. At sa isang lipunang tunay na makatarungan, walang sinuman ang nakahihigit sa batas.
Sumainyo ang katotohanan.




