540 total views
Mas pinalalawak at pinaiigting ng Diocese of Antipolo ang debosyon sa Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje sa pagdiriwang ng ika-400 anibersaryo ng pagdating nito sa Pilipinas.
Kabilang na rito ang national pilgrimage sa imahe ng Birhen ng Antipolo sa iba’t ibang diyosesis sa bansa tanda ng pagiging ina ng mga Pilipino.
Sa mensahe ni Antipolo Bishop Ruperto Cruz Santos, CBCP Bishop Promoter ng Stella Maris-Philippines, sa pagdalaw ng imahe sa Archdiocese of Cebu, inilarawan niya ito bilang tanda ng pasasalamat at pagbabahagi ng isa sa pinakatanyag na debosyon sa Mahal na Birhen sa bansa sa lokal na simbahan ng Cebu, na tinaguriang pinagmumulan ng Kristiyanismo sa bansa.
“In the same way your ancestors received the Santo Niño as Heaven’s precious gift in 1521, so today, the Diocese of Antipolo, in thanksgiving for our Quadricentennial celebration, joyfully offers to the Archdiocese of Cebu an exact and complete replica of the Miraculous Image of Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje,” ayon kay Bishop Santos.
Binigyang-diin ni Bishop Santos na makasaysayan ang pagbisita ng imahen sa Cebu kasabay ng paggunita sa ikaapat na sentenaryo ng pagdating nito sa Antipolo.
“Today is truly a historic and grace-filled moment. As we commemorate the 400th Anniversary of the Arrival of the Miraculous Image of Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje in Antipolo, our Blessed Mother now comes to visit you. The words of our Lord from the Cross become alive among us: ‘Behold, your Mother.’ She has come to you. She is visiting you. And she desires to remain in your hearts,” ani ng obispo.
Paalala ng obispo na ang Cebu ay may natatanging lugar sa kasaysayan ng pananampalatayang Kristiyano bilang tahanan ng Santo Niño at unang sentro ng Kristiyanismo sa bansa, dahilan upang maging makahulugan ang pagbabahagi ng debosyon sa Mahal na Birhen ng Antipolo sa mga mananampalataya ng arkidiyosesis.
Ayon kay Bishop Santos, ang ipinagkaloob na replika ay ipinagkakatiwala sa Stella Maris Apostolate ng Archdiocese of Cebu upang higit pang mapalalim ang debosyon at paglilingkod sa mga seafarers at mga migrante.
“We entrust this sacred image to your Stella Maris Apostolate through the devoted leadership of your Archdiocesan Director, Father John Mission, so that she may continue to inspire and strengthen all who seek her maternal intercession, especially our seafarers, migrants, and their families,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Umaasa ang obispo na patuloy na magiging gabay ang Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay sa mga mananampalataya, lalo na sa mga mandaragat, migranteng Pilipino at kanilang mga pamilya, habang isinusulong ng Stella Maris ang pastoral na pangangalaga sa mga taong namumuhay at nagtatrabaho sa dagat at sa ibayong dagat.
Nakiisa rin si Bishop Santos sa panalangin na, sa pamamagitan ng Mahal na Birhen, ay higit pang mapalapit ang bawat mananampalataya kay Hesukristo at maranasan ang kapayapaan, katatagan, at pag-asa sa gitna ng mga hamon ng kanilang paglalakbay sa buhay.
Kabilang sa mga gawain sa pilgrimage ng Birhen ng Antipolo sa arkidiyosesis sa July 17 hanggang 20 ang pagdalaw sa ilang dambana, kabilang ang National Shrine of Our Lady of the Rule, St. Joseph Chapel ng Mariners’ Court sa Pier 1, Santo Niño Chapel ng Coast Guard Central Visayas, Cebu Metropolitan Cathedral, at Archdiocesan Shrine of San Pedro Calungsod.
Kabilang sa mga nakahanay na gawain mga fluvial at solemn foot procession, public veneration, katesismo at pagdiriwang ng mga banal na misa kung saan sa July 19 ng alas 6:30 ng umaga ay pangungunahan ito ni Cebu Archbishop Alberto Uy sa Cebu Metropolitan Cathedral.
Una nang kinilala ni Bishop Santos ang debosyon ni Archbishop Uy sa Mahal na Birhen ng Antipolo, lalo na sa kanyang priestly formation sa Roma at sa pananatili sa Pontificio Collegio Filippino, kung saan nakadambana ang imahe.
Ibinahagi ng mga kinatawan ng diyosesis ang mensahe ni Bishop Santos sa pagtanggap ng Archdiocese of Cebu sa replika ng imahen, habang ang obispo ay nasa São Paulo, Brazil upang dumalo sa pagtitipon ng Scalabrinian International Stella Maris Network at sa enthronement ng Our Lady of Peace and Good Voyage.




