4,080 total views
Mga Kapanalig, isa sa mga umani ng masigabong palakpakan sa State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ay ang panawagan niya sa Kongreso na magpasá ng batas na magtatanggal sa system-loss charges na sinisingil sa mga consumers. Giit ng presidente: “Hindi naman kasalanan ng consumer kung bakit nagkaroon ng system-loss. Kaya hindi naman tama na kailangan sila pa ang pagbabayarin dito.”
Ang system-loss ay ang kuryenteng nawawala habang dumadaloy ito sa mga kable at kawad papunta sa mga bahay, gusali, at iba pang gumagamit ng kuryente. Ito ang tinatawag na technical losses. Bahagi rin ng system-loss ang kuryenteng ninanakaw gamit ang mga jumpers at hindi nakukuwenta dahil sa depektibong metro. Non-technical losses naman ang tawag dito. Kinukuwenta ang system-loss sa pamamagitan ng pagbawas mula sa kuryenteng ikinakarga sa mga distribution network ng kuryenteng natatanggap natin at nababasa sa mga metro. Sa ilalim ng EPIRA o ang Electric Power Industry Reform Act na naisabatas noong 2001, bahagi ng system-loss ay sisingilin sa mga consumers. Kung hindi ito mababawi, malulugi raw ang mga distribution utilities gaya ng Meralco.
Speaking of Meralco, sumagot ang pinuno nito sa sinabi ni PBBM sa kanyang SONA. Sino raw ang sasalo ng system-loss kung aalisin ito sa sinisingil sa mga consumers? Paliwanag niya, hindi talaga maiiwasang may mawalang kuryente habang dumadaloy sa mga kable at kawad. Kapag mas mahaba ang mga ito, mas mataas din ang tsansang may kuryenteng mawala. Hindi raw iyon kakulangan sa parte ng mga distribution utilities. Hindi raw iyon “inefficiency.”
Masalimuot ang regulasyon na sumasaklaw sa enerhiya, partikular na ang kuryente. Pero sa madaling salita, binibigyan ng batas ang mga distribution utilities gaya ng Meralco ng proteksyon mula sa gastusing karaniwang binabalikat ng mga negosyo. Nagtatakda kasi ang Energy Regulatory Commission (o ERC) ng ceiling o pinakamataas na porsyentong maaaring singilin sa mga consumers.
Hindi katulad ng ibang produkto na binibili natin, iniisa-isa sa ating electric bill ang lahat ng binabayaran natin. Sa grocery, hindi naman ipinaaalam sa atin kung bakit ganoon ang presyo ng binibili natin. Malamang, kasama sa presyong iyon ang gastos sakaling ma-expire ang binibili natin. Sa restaurant, hindi iniisa-isa sa atin kung anu-ano ang bumubuo sa presyo ng pagkain na ino-order natin. Malamang, kasama sa presyong iyon ang halaga ng pagkaing mapapanis o mga sangkap na hindi na pwedeng ipanluto.
Sa kuryente, naka-breakdown sa ating bill kung anu-ano ang bumubuo sa sinisingil sa atin. Ang pinakamalaki sa mga ito ay ang generation charge na hindi bababa sa kalahati ng kabuuang bill. Ito ay ang bayad sa mga power producers. Ang bayad na direktang napupunta sa distribution utilities gaya ng Meralco ay tinatawag na distribution charge; nasa 17% naman ito. Ang system-loss naman, ayon sa Meralco, ay katumbas ng 5% ng tipikal na bill sa kuryente. Kaya kung ₱1,000 ang binabayaran ninyo sa kuryente sa isang buwan, ₱50 ay para sa system-loss. Maliit kung tutuusin pero singkwenta pesos pa rin iyon.
Mga Kapanalig, wala namang masamang kumita; senyales ito na buháy ang isang negosyo. Pero kung titingnan mula sa lente ng mga panlipunang turo ng Simbahan, hindi dapat isakripisyo ang dignidad ng tao at kabutihang panlahat para sa kita. Ang kita ay hindi lamang ang tanging sukatan ng tagumpay ng isang negosyo. Kumikita nga ang isang negosyo, pero paano kung bunga naman ito ng mabigat na pasanin ng mga consumers? Makatarungan ba ito? Makatao ba ito? Ganito ang sinasabi sa Mga Kawikaan 16:8: “Ang maliit na halaga buhat sa mabuting paraan ay higit na mabuti sa yamang buhat sa kasamaan.”
Sumainyo ang katotohanan.




