956 total reads
Sa papasok sa ika-20 araw ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Martes, dalawang opisyal ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang inaasahang haharap bilang mga testigo.
Nakatuon ang pagdinig sa maling paggamit ng ₱112.5 milyong confidential funds ng Department of Education o DepEd noong kalihim pa ng ahensya si Duterte.
Inaasahang haharap sa impeachment court sina Colonels Manaros Boransing II at Magtangol Panopio kaugnay sa mga military certification na ginamit ng DepEd sa pagtugon sa mga findings ng Commission on Audit o COA.
Kabilang sa mga programa na nauugnay sa mga dokumentong ito ang Youth Leadership Summits o YLS.
Sa nakaraang imbestigasyon ng Kamara, sinabi ng ilang military officer na ang kanilang mga unit ay hindi nakatanggap ng confidential funds mula sa DepEd para sa mga aktibidad na nakasaad sa mga certification.
Nakatakda ring humarap bilang testigo si Atty. Michael Wesley Poa, dating chief of staff at spokesperson ni Duterte sa DepEd at ngayon ay kabilang sa kanyang defense team.
Nais din ng prosecution na ideklarang hostile witness si Poa dahil bahagi na siya ngayon ng defense team.
Dahil sa kanyang dating tungkulin sa DepEd, inaasahang uusisain si Poa tungkol sa pagtugon ng ahensya sa COA findings at sa paghahanda ng mga dokumento para sa confidential fund expenditures.
Samantala, nakatakda ring tumestigo sa Setyembre 2 si PSA Assistant National Statistician Marizza Grande tungkol sa beripikasyon ng mga pangalang lumabas sa acknowledgment receipts na isinumite bilang patunay sa paggamit ng confidential funds.
Sa Article I ng impeachment charges, inaakusahan si Duterte sa umano’y maling paggamit ng kabuuang ₱612.5 milyong confidential funds—₱500 milyon para sa OVP at ₱112.5 milyon para sa DepEd.
Matapos ang Article I, inaasahang magpapatuloy ang prosecution sa iba pang impeachment charges, kabilang ang mga alegasyon tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman at bribery.




