1,274 total reads
Nanawagan si Pope Leo XIV na huwag hayaang manaig ang galit at karahasan, lalo na sa panahong nahaharap ang mundo sa maraming kaguluhan at pagkakahati.
Sa kanyang homiliya sa Castel Gandolfo, hinikayat ng Santo Papa ang mga mananampalataya na manatiling matatag sa pananampalataya sa gitna ng mga pagsubok.
“Hatred and violence lead to nothing good, but only to destruction and death, always—even when they are a response to injustices suffered. We see this every day, from the smallest circumstances of our domestic lives to the great stage of the world,” ayon sa mensahe ng Santo Papa.
Inihalimbawa ni Pope Leo ang Ebanghelyo tungkol kay Hesus na lumakad sa tubig habang may bagyo. Ayon kay Pope Leo, tulad ng mga alagad ni Hesus, kailangang patuloy na magtiwala sa Diyos kahit malakas ang mga unos sa buhay.
Binigyang-diin ng Santo Papa na pag-ibig ang daan tungo sa tunay na buhay at kapayapaan, habang ang galit at karahasan ay humahantong lamang sa pagkawasak at kamatayan.
Hinikayat ni Pope Leo ang mga mananampalataya na huwag hayaang baguhin ng galit at mga sugat ng nakaraan ang kanilang pagkatao.
Sa halip, dapat pairalin ang pagpapatawad, pag-asa at pag-ibig, mula sa pamilya hanggang sa mga bansa.
Binigyan diin din ng pinunong pastol ang halaga ng mga simpleng gawaing pananampalataya na ipinapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod.
Matapos ang Misa, pinangunahan ni Pope Leo ang tradisyonal na prusisyon ng Our Lady of the Lake sa Lake Albano.
Naging makasaysayan ang pagdiriwang dahil si Pope Leo ang kauna-unahang Santo Papa na sumama sa prusisyon sakay ng bangka sa lawa.
Sa pamamagitan ng pagdiriwang, muling hinikayat ni Pope Leo ang mga mananampalataya na maging tanda ng presensya ng Diyos sa mundo sa pamamagitan ng pagkakaisa, kapayapaan at pagmamahal sa kapwa.




