1,332 total reads
Nanawagan ang Caritas Philippines ng agarang suspensiyon sa exploration at kaugnay na operasyon ng pagmimina sa Kasibu, Nueva Vizcaya, kasunod ng pagkakaaresto sa 13 residente sa anti-mining barricade sa Barangay Paquet noong August 28.
Sa pahayag ng Integral Ecology Ministry ng Caritas Philippines, hiniling nito ang isang maagap, walang kinikilingan at transparent na imbestigasyon sa police clearing operation na iniulat na isinagawa upang bigyang-daan ang pagdaan ng langis patungo sa exploration area ng North Luzon Mineral Resources Corporation.
Ayon sa Caritas Philippines, kailangang mapangalagaan ang karapatan at dignidad ng mga inaresto, kabilang ang ganap na access sa kanilang pamilya, abogado, serbisyong medikal kung kinakailangan, at lahat ng hakbang para sa due process.
“Communities raising legitimate concerns about projects that may affect their homes, farms, watersheds, and ancestral domains must be heard and respected; they must never be treated as obstacles to development,” ayon sa pahayag.
Iginiit din ng organisasyon na ang lehitimong pagtutol ng mga komunidad sa mga proyektong maaaring makaapekto sa kanilang lupa, tubig, at kabuhayan ay hindi dapat tugunan ng pananakot, pangha-harass, paggamit ng puwersa, at paglabag sa mga karapatan, lalo na sa due process.
Hinimok ng Caritas Philippines ang Department of Environment and Natural Resources, Mines and Geosciences Bureau, at National Commission on Indigenous Peoples na ipatigil ang exploration, clearing, at transport activities habang isinasailalim sa malaya at transparent na pagsusuri ang mga permit, konsultasyon, environmental safeguards, at pagsunod sa karapatan sa free, prior, and informed consent o FPIC.
Binigyang-diin ng institusyon na hindi dapat gamitin ang mga institusyon ng estado upang patahimikin ang mga komunidad o ipilit ang mga proyektong pinangangambahang magdulot ng pagkawala ng lupa at kabuhayan.
“Economic gain cannot justify sacrificing human dignity, Indigenous rights, watersheds, biodiversity, and the common good,” anila.
Inalala rin ng Caritas Philippines ang naunang pagkakaaresto noong August 19 sa tatlong lider ng Kasibu Intertribal Response for Ecological Development, o KIRED, sa kaparehong barricade, na kalaunan ay nakalaya matapos mag-piyansa.
Tinukoy rin nito ang kinaharap na kasong sibil ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, isang pari at ilang community advocates kaugnay ng mga barricade.
Ayon sa pahayag, ibinasura ng Kasibu Municipal Trial Court noong June 24 ang civil forcible-entry complaint dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon.
Iginiit ng grupo na ang paninindigan ng mga Indigenous Peoples at magsasaka ng Kasibu ay hindi pagtutol sa pag-unlad kundi panawagan para sa makatarungan, napapanatili at may pananagutang kaunlaran.
“This is not opposition to development. It is a call for development that is just, sustainable, and accountable,” ayon sa Caritas Philippines.
Nanawagan ang grupo sa pambansa at lokal na pamahalaan na pakinggan ang mga mamamayan ng Kasibu, at tugunan ang kanilang mga pangamba sa pamamagitan ng transparent at dayalogo sa halip na pairalan ang dahas.
“No mining or exploration activity should proceed at the expense of Indigenous rights, environmental protection, due process, and the meaningful participation of affected communities,” dagdag ng Caritas Philippines.




