145 total reads

Homiliya para sa Bihilya ng Linggo ng Sangnilikha, ika-6 ng Setyembre 2026, Mateo 8:23-27
Ang Misa po natin sa unang Linggong ito ng Setyembre ay itinakda ng CBCP bilang “Creation in Christ” Sunday o “Linggo ng Sangnilikha kay Kristo.”
Napapanahon ang ating mga pagbasa. Magpa-hanggang sa mga araw na ito, matapos ang mahigit tatlong linggo na ng matinding pag-ulan, ang ilang bahagi ng Central Luzon ang nananatili pa rin sa state of calamity. Maraming mga bayan ang lubog sa malalim na tubig-baha na hindi humuhupa. Marami sa mga pamilyang nagsilikas kahit sa mga evacuation centers ay inabot pa rin ng baha. Kaya makaka-relate talaga tayo sa sitwasyon ng mga alagad sa binasa nating Ebanghelyo. Nasa bangka daw sila, kasama si Jesus, nang biglang dumating ang matinding unos. Malakas ang hangin at humahampas ang mga alon sa kanilang bangka. Samantalang si Jesus—natutulog.
Sa takot nila, ginising siya, at ang sigaw nila ay, “Panginoon, iligtas mo kami! Mamamatay na kami!”
Bumangon daw si Jesus, sinaway ang hangin at ang alon, at biglang tumahimik ang dagat. Kaya napatanong ang mga alagad: “Sino ba ang taong ito? Pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya!”
Ang ating ikalawang pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Colosas ang sumasagot sa tanong nila. Sino itong kasama nila sa bangka? Sabi ni San Pablo: Siya ang “larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng nilikha. Sa kanya nilikha ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa. Ang lahat ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya. At sa kanya nananatiling buo ang lahat…”
Iyan ang dahilan kung bakit ang tawag din sa araw na ito ay “Feast of Creation in Christ”. Kaya sa nagtatanong kung bakit minabuti ng CBCP na sa unang Linggo ipagdiwang ito imbes na noong araw ng Martes, unang araw ng Setyembre, ang sagot ay— dahil ibig idiin ng CBCP ang koneksyon ng creation (paglikha) kay Kristo. Kay Kristo talaga nakatutok ang bawat Linggo kaya kahit ipagdiwang nang Linggo ang mga pyestang patron, Misang Panlinggo pa rin ang ipinagdiriwang.
Ipinagdiriwang din ng ibang mga kapatid nating Kristiyano sa oriental tradition ang feast of creation bilang unang araw ng simula ng paglikha, nang bigkasin ng Diyos ang mapanlikha niyang Salita: “Magkaroon ng liwanag.” Salitang nakapangyayari. Kaya sa araw na ito, pinagsasama natin ang misteryo ng “creation at redemption”, paglikha at pagtubos, tungo sa bagong paglikha—new creation in the resurrection of Christ.
Di ba’t ganito rin ang isinulat ni San Juan sa kanyang pakbungad na salita (prologue)?
“Nang pasimula ay naroon na ang Salita.
Ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.
Ang lahat ng bagay ay nalikha sa pamamagitan niya.”
At pagkatapos: “Ang Salita ay nagkatawang-tao.”
Ibig sabihin, ang Kristong kasama ng mga alagad at natutulog sa bangka, para kay San Mateo, ay ang mismong Salita ng Diyos. Sa pamamagitan niya ay nilalang ang dagat, ang hangin, ang lupa at ang buong sangnilikha. Kaya nang magsalita siya, tumahimik ang unos.
Iugnay natin ngayon ang eksenang bangka ni San Mateo sa isa pang eksenang bangka sa Biblia—sa aklat ng Genesis—ang tinatawag na Noah’s Ark, o ang malaking bangka (o arko) ni Noe.
Nang dumating ang malaking delubyo o baha, inutusan daw ng Diyos si Noe na gumawa ng arko o isang malaking bangka. Pero hindi ito para kay Noe lamang at sa kanyang pamilya. Para din ito sa iba’t ibang uri ng mga hayop na ipinalliligtas sa kanya. Medyo nakukulangan pa nga ako sa kuwento. Sana idinagdag na rin ng awtor na pinag-utusan din si Noe na maglaan din sa loob ng arko ng isang silid para sa koleksyon ng mga binhi ng lahat ng uri ng mga halaman at punongkahoy. Paano mabubuhay ang mga hayop pagkatapos ng baha kung wala nang mga halaman?
Ibig sabihin, ang Arko ni Noe ay hindi lamang bangka para sa kaligtasan ng tao. Dala nito ang mga binhi ng isang bagong paglikha.
Napakagandang larawan din ng arko ni Noe para sa Simbahan. Mula pa noong unang panahon, isa sa mga paboritong larawan ng Simbahan ay ang bangka. Pero kung bangka ang Simbahan, sino ang gustong isakay ng Diyos?
Kung tao lamang ang gusto nating iligtas, hindi po a iyan ang Arko ni Noe. Hindi maaaring ang misyon ng Simbahan ay magligtas lamang ng mga kaluluwa para sa langit habang hinahayaan nating masira ang lupa. Kailangang maisama rin natin sa bangka ang buong sangnilikha.
Tayo ay inilagay ng Diyos sa mundo hindi upang pagharian ito kundi upang pangalagaan ito bilang kanyang mga katiwala. Ang problema, ang mas nabibigyang-diin sa kuwentonng paglikha ay ang dominion, ang kapangyarihan ng tao sa kalikasan: “Have dominion over all other creatures.” Kapag nawawalan na tayo ng pananagutan, ang dominion ay nagiging domination. Ang pangangalaga ay nagiging pang-aabuso at pagsasamantala.
At ngayon, nakikita natin ang epekto. Hindi natin maaaring pag-usapan ang baha na parang tubig lang ang problema. Ang pagbaha, higit sa lahat ay isang ecological issue. Ano ang nangyayari sa ating mga bundok at kagubatan? Sa mga watershed? Sa mga ilog, sapa at latian? Sa mga lugar na dating sumisipsip at sumasalo ng tubig na ginawang mga subdivision at mga bagong siyudad? Ano ang epekto ng climate change sa tindi at pagbuhos ng ulan? Kailangan ang isang ridge-to-reef approach, mula kabundukan hanggang karaagatan.
Pero totoo din naman na ang pag-iwas sa problema ng pagbaha ay isa ring engineering issue. Kailangan din ang mga dike, drainage, pumping stations, dredging at flood-control projects. Pero katulad ng nararanasan natin, wala ring naitutulong ang mga ito kapag hindi naging bahagi ng isang comprehensive master plan para sa ating 18 major river basins sa buong bansa.
At siyempre ang baha ay hindi maihihiwalay sa isyu ng corruption. Sabi nga ni Jesssica Soho—“Hindi pala baha ang magpapalubog sa atin bayan kundi kasakiman.” Kaya sa pinakaugat ng suliraning ito, may political issue—hindi pulitikang naglilingkod sa common good kundi politics of patronage.
Hindi maaaring ang ilog ang mag-adjust sa pulitika. Ang pulitika ang dapat mag-adjust sa siyensya, sa engineering, sa ecology at sa common good. Kung kanya-kanyang proyekto ayon sa kanya-kanyang political interest, huwag tayong magtaka kung bilyon-bilyon ang ginagastos natin sa flood control pero taon-taon ay palala lang nang palala ang baha.
Kaya sabi ng CBCP, ang ecological crisis ay isa nang usapin ng “life and death,” lalo na para sa pinakamahihirap. Ang kailangan natin ay hindi lamang flood control kundi ecological conversion.
Mga kapatid, hindi ba nakapagtataka, na sa kabila ng napakataas na antas ng narating na talino ng tao, hindi pa rin tayo umuunlad? Nariyan na ngayon ang artificial intelligence. Ang taong nilikha ng Diyos ay nakalikha ng isang teknolohiya na ngayon ay nakakatulong para lalo pang palawakin ang kanyang sariling talino at pagkamalikhain. Maaari natin itong tawaging “created creativity.”
Pero may problema. Kung kayang palakasin ng AI ang ating creativity, kaya rin nitong palakasin ang ating pagkagumon sa kapangyarihan—gayundin ang kakayahan nating manira.
Kaya hindi sapat ang talino o intelligence. Higit sa lahat, kailangan natin ng karunungan o wisdom. We Puwede tayong maging napakatalino pero walang karunungang gumalang sa mga bundok, kailugan at karagatan. Puwede tayong gumawa ng artificial intelligence na kayang gamitin ng ating natural intelligence para mandaya, magnakaw at magkamal ng kapangyarihan.
Kaya sa Creation Sunday, ibinabalik tayo sa tanong ng mga alagad tungkol kay Hesus:
“Sino ba ang taong ito?”
Ang sagot: Si Kristo. Sa kanya, sa pamamagitan niya, at para sa kanya nilikha ang lahat. Hindi tayo ang sentro ng sangnilikha kundi si Kristo. Hindi tayo ang may-ari ng sangnilikha. Si Kristo. Hindi nilikha ang mundo para lamang pagkakitaan at pagsamantalahan natin. Sabi ni San Pablo, ang lahat ay nilikha para sa kanya—patungo sa kanya.
Sa Genesis, nagsalita ang Diyos, at nalikha ang mundo. Sa Ebanghelyo ngayon, nagsalita si Kristo, at tumahimik ang unos.
Napakarami na nating kayang gawin bilang tao. Pero ang tanong: marunong pa ba tayong makinig sa Salita? Sa Ebanghelyo, ginising ng mga alagad si Jesus. “Panginoon, gising! Mamamatay na kami!”
Pero ngayong Creation Sunday, baka puwedeng baligtarin ang tanong: Baka hindi ang Panginoon ang natutulog. Baka tayo ang kailangang magising.
Magising tayo sa climate crisis. Magising sa nangyayari sa ating mga bundok, ilog at dagat. Magising sa korapsyon at maling pulitika. Magising sa isang uri ng development na yumayaman ang iilan habang nalulunod naman ang marami. At higit sa lahat, magising tayo sa katotohanang kasama natin sa bangka si Kristo.
Kaya sa Creation Sunday na ito, gawin nating Arko ni Noe ang Simbahan—hindi bangkang nagliligtas lamang sa sarili, kundi bangkang nagdadala ng mga binhi ng bagong paglikha; kasama ang mahihirap, kasama ang mga nasalanta, kasama ang mga ilog at kagubatan, kasama ang mga hayop at halaman—kasama ang buong sangnilikha.
Higit sa lahat siguraduhin nating kasama natin ang Panginoong HesuKristo sa bangka. Siya ang ating pag-asa sa gitna ng unos. Kasama niya, tayong mga nakasakay sa bangka ng simbahan ay maaaring magsilbing binhi, maaari tayong maging simula ng isang bagong langit at lupa, simula ng isang bagong paglikha kay Kristong panganay ng buong sangnilikha.




