28,267 total reads
Nanawagan si Cubao Bishop Elias Ayuban Jr., CMF, sa mga Pilipino na patuloy na alalahanin at pagnilayan ang madilim na yugto ng Martial Law upang hindi makalimutan ng mga susunod na henerasyon ang mga karahasang naganap at upang matiyak na hindi na ito mauulit.
Sa kanyang mensahe kasunod ng Misa ng Bayan sa Paggunita ng Batas Militar sa Cubao Cathedral ngayong Setyembre 21, 2026 kasabay ng ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, binigyang-diin ni Bishop Ayuban ang kahalagahan ng pagpapanatili ng alaala ng nakaraan, lalo na para sa mga kabataang walang personal na karanasan sa panahong iyon.
“Napakahalaga nitong pag-alala at paggugunita ng kapanahunan ng Martial Law dahil dahan-dahan na tayong nakakalimot, lalong-lalo na ‘yung walang karanasan sa nangyaring karahasan noong panahon ng madilim na yugto ng ating kasaysayan sa panahon ng Martial Law.” Bahagi ng mensahe ni Bishop Ayuban sa Radyo Veritas.
Ayon kay Bishop Ayuban, ang paggunita sa anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa mga masasakit na pangyayari sa kasaysayan kundi pagkakataon din upang magpasalamat sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaanan ng bansa.
“Tayo ay nagtitipon ngayon para magpasalamat sa Diyos sa pagligtas sa atin sa mga napakaraming mga hamon, napakaraming mga pagsubok sa panahon ng Martial Law, at ipinaalala natin sa ating mga kabataan na nangyari ito sa buhay natin at sana ay hindi na maulit.” Dagdag pa ni Bishop Ayuban.
Pagbabahagi ng Obispo, mahalaga ang pagpapaabot ng alaala sa mga kabataan dahil ang paglimot sa kasaysayan ay maaaring magpalabo sa pag-unawa sa mga aral na iniwan ng mga nakaraang karanasan na umikit sa kasaysayan ng bansa.
Partikular namang hinamon ni Bishop Ayuban ang mga consecrated persons na manatiling mapagmatyag at maging bahagi ng pagtatanggol sa katotohanan at dignidad ng tao.
“Tayo dapat magmatyag, at nangunguna dito sa ganitong pagkilos ang mga consecrated persons tulad ng panahon ng Martial Law.” Hamon ni Bishop Ayuban.
Binigyang-diin din ng Obispo na ang mga taong naglilingkod sa Simbahan ay may pananagutang sariwain ang tapang at paninindigan ng mga tumindig laban sa karahasan at pang-aapi.
“Sariwain natin ‘yung ating lakas, ang ating paglaban sa karahasan dahil kung walang mga taong pinahayaang mayroong mang-aapi sa kanila ay wala ring mga inaapi at walang mang-aapi.” Panawagan ni Bishop Ayuban.
Kaugnay nito, hinimok din ng Obispo ang mga mananampalataya na huwag maging tahimik sa harap ng kawalang-katarungan at pang-aapi sa lipunan.
“We should resist every act of injustice, every act of oppression, because if there are no slaves, there are also no tyrants.” Ani Bishop Ayuban.
Ang Misa ng Bayan ay inorganisa ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) bilang paggunita sa mga Pilipinong dumanas ng pagdurusa noong Martial Law at bilang panalangin para sa patuloy na pagsusulong ng dignidad ng tao, katotohanan, katarungan, pagkakasundo at pangmatagalang kapayapaan.
Kaugnay nito, binigyang-diin din ng mga grupong pang-simbahan sa paggunita ngayong taon na ang pag-alala sa Martial Law ay hindi lamang simpleng pagbabalik sa nakaraan kundi isang paninindigan upang hindi maulit ang mga pang-aabuso at paglabag sa dignidad ng tao.
Sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, muling ipinapaalala ng Simbahan na ang pag-alala ay may kasamang pananagutan kabilang ang pagkilala sa mga sugat ng nakaraan, pangangalaga sa katotohanan at pagiging mapagmatyag upang ang kasaysayan ay magsilbing aral sa pagtataguyod ng isang lipunang nakaugat sa dignidad ng bawat tao, katarungan at kapayapaan.




