766 total reads
Naniniwala si Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) Chairperson Prof. Roland Simbulan na dapat manatiling nakatuon sa pananagutan ng mga halal na opisyal ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasabay ng kanyang panawagan sa publiko na patuloy na bantayan at unawain ang mga ebidensyang inihaharap sa Senado.
Sa panayam sa programang Barangay Simbayanan, inihayag ni Simbulan na mahalaga ang mga testimonya ng mga kinatawan ng mga bangko at ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil nagbibigay ang mga ito ng karagdagang impormasyon hinggil sa financial records ng Bise Presidente at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Sa pagdinig noong Oktubre 8, 2026 iniulat ng BIR na umabot sa ₱85.34 milyon ang pinagsamang net income matapos ang buwis nina Duterte at Carpio mula 2007 hanggang 2025 habang iniharap din ang mga dokumentong may kaugnayan sa kanilang income tax returns at mga negosyo.
Para kay Simbulan, mahalagang suriin kung may mga financial interest o income na hindi naipakita sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng isang mataas na opisyal.
“Importante ‘yung ebidensya na ‘yun dahil hindi dineklara ito ng Vice President sa kanyang SALN. So kung hindi dineklara, ano ‘yan, impeachable offense. Remember, ‘yan ‘yung dahilan kung bakit na-impeach si ating Chief Justice Corona.” Bahagi ng pahayag ni Simbulan sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin din ni Simbulan ang papel ng mga independent commentators, bloggers at professional groups sa pagpapaliwanag sa publiko ng mga teknikal na usaping lumalabas sa impeachment trial.
Aniya, nakatutulong ang paggamit ng mas simpleng wika upang maunawaan ng ordinaryong mamamayan ang mga dokumento at testimonya ng mga abogado at eksperto.
“Kailangan talaga merong ma-simplify, para ma-simplify ‘yung mga technical terms na pino-present ng mga abogado.” Dagdag pa ni Simbulan.
Mahalaga rin ayon kay Simbulan ang patuloy na pakikilahok ng mga Overseas Filipino Workers na sumusubaybay sa paglilitis, kabilang ang mga dating tagasuporta ng Duterte family, upang magkaroon ng mas malawak na pampublikong diskusyon tungkol sa mga ebidensyang inihaharap sa Senado.
“Accountability” ang dapat maging sentro
Samantala, sa usapin naman ng kasalukuyang bilang ng mga senador na kinakailangan para sa conviction, sinabi ni Simbulan na nakikita niyang mahalaga ang pagbabago sa voting threshold ng Senate impeachment court.
Noong Setyembre, binago ng impeachment court ang batayan ng two-thirds vote upang ang mga senador na legal na hindi makalahok sa paglilitis ay hindi maisama sa bilang.
Sa kasalukuyang komposisyon, 14 na boto ang kailangan para sa conviction habang si Senador Mark Villar ay sumali na rin sa majority bloc noong Oktubre 8, 2026 dahilan upang maging 14 ang miyembro ng majority, bagama’t sinabi ng mga lider ng Senado na hindi ito kaugnay ng impeachment trial.
Gayunman, iginiit ni Simbulan na hindi dapat mauwi sa simpleng tunggalian sa pagitan ng mga political camps ang impeachment proceedings.
“Accountability ‘yung issue. It’s not about politics. Nothing to do with politics, kasi kung sino man ‘yan, kung may ebidensya, dapat managot talaga.” Ayon pa kay Simbulan.
Para sa CenPEG chairperson, mahalaga ang impeachment trial bilang pagsusulit sa kakayahan ng sistema na papanagutin ang mga opisyal na mapatutunayang lumabag sa tiwala ng publiko.
“The issue here is about accountability, so that if any official does not do his or her job and violates the trust of the public by engaging in corruption, wala siyang… ang dapat ang sistema, sisilip sa sistema na siya ay mananagot at paparusahan.” Ani Simbulan.
Dagdag pa ni Simbulan, mahalagang maging bukas sa publiko ang paglilitis upang mismong mga mamamayan ay makasubaybay at makabuo ng sariling pag-unawa batay sa mga ebidensyang inihaharap.
“That’s why napakahalaga nito, nitong impeachment trial, that it is being made public. Kaya tayong lahat mga mamamayan, tayo… we are the judges also, ‘no. It’s not just the senators who are the ones authorized to vote.” Ayon pa kay Simbulan.
Sa gitna ng patuloy na paglilitis, nanawagan din si Simbulan na huwag mawala sa sentro nito ang prinsipyo ng pananagutan sa bayan maging anumang partido o political affiliation ang sangkot.




