569 total reads
Inihayag ng isang historian na ang tunay na diwa ng debosyon sa Poong Jesus Nazareno ay higit pa sa paghawak sa andas o paglapit sa imahen tuwing Traslacion.
Ayon kay Prof. Xiao Chua, PhD, sa kanyang plenary talk sa kauna-unahang National Conference of Spiritual Directors of Jesus Nazareno Devotees sa Quezon City nitong October 9, ipinamamalas ng mga deboto tuwing prusisyon ang pagtutulungan at pakikipagkapwa-tao.
Ayon kay Chua, ang mga debotong nagtutulungan sa gitna ng siksikan at mapanganib na prusisyon ay nagpapakita kung paano naisasabuhay ang pananampalataya sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa.
“Ang hari ay hindi lamang nasa andas, ang hari, ang Señor, ay nasa puso ng bawat debotong tumutulong at nakikipagkapwa-tao,” ayon sa pahayag ni Chua.
Binigyang-diin ng historyador na ang tunay na ginhawang hinahanap ng mga deboto ay hindi lamang nakasalalay sa pisikal na paglapit sa banal na imahen, kundi sa pakikiisa sa kapwa sa gitna ng hirap at sakripisyo tuwing pista sa January 9.
“Dahil ang debosyon ay pag-aasam ng ginhawa. Saan nakukuha ang ginhawa? Hindi sa andas, kundi sa pakikipagkapwa-tao, sa gitna ng pakikibaka ng prusisyon,” paliwanag ni Chua.
Ibinahagi ni Chua na, batay sa kanyang pananaliksik sa debosyon sa Jesus Nazareno, makikita ang diwa ng bayanihan sa mga mamamasan na umaalalay sa kanilang kapwa deboto, tumutulong sa pagtawid ng mga tao, at nagtutulungan upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa.
Iginiit ni Chua na hindi dapat agad ituring na ‘fanaticism’ ang mga kilos ng mga deboto nang hindi inuunawa ang kanilang panata, mga paniniwala at karanasan sa pananampalataya.
Hinimok ni Chua ang mga pinuno ng Simbahan na higit na pakinggan ang mga deboto upang maunawaan ang kahulugan ng kanilang debosyon at mapanatili ang pagkakakilanlang Pilipino ng Traslacion na nakaugat kay Hesukristo.
“I hope sa mga susunod na panahon, mapakinggan natin ang puso ng mga mamamasan, maibalik natin ang kalikasan, yung character, at yung pagka-Pilipino ng Traslacion,” ani Chua.
Dumalo sa kauna-unahang pagtitipon ng mga spiritual directors’ ng mga deboto ng Jesus Nazareno ang may 40 na pari mula sa iba’t ibang diyosesis sa bansa, kasama ang mga head lay ng mga sangay ng deboto ng Hijos del Nazareno na katuwang ng Quiapo Church sa pangangasiwa sa mahigit 30,000 kasapi ng mga balangay.




