1,629 total reads
Itinalagang bagong Dean ng College of Cardinals si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle matapos aprubahan ng Kanyang Kabanalan, Pope Leo XIV, ang pagkahalal sa kanya ng mga kardinal na kasapi ng Order of Bishops noong October 8.
Si Cardinal Tagle ang hahalili sa 92-taong-gulang na si Cardinal Giovanni Battista Re, na nagretiro sa kanyang tungkulin matapos ang anim na taong paninilbihan bilang dekano.
Kasalukuyang pinamumunuan ni Cardinal Tagle bilang pro-prefect ang Dicastery for Evangelization, partikular sa Section for First Evangelization and New Particular Churches.
Bilang dean, pamumunuan ng kardinal ang College of Cardinals, na may mahalagang papel sa pagpapayo sa Santo Papa at sa pagpili ng susunod na Papa sa pamamagitan ng conclave sa oras ng sede vacante.
Sa kanyang pagkahalal ay tataglayin niya ang titulo ng Suburbicarian See of Ostia na nakatalaga sa mga dean, habang pananatilihin ang kanyang kasalukuyang titulo sa Suburbicarian See of Albano.
Samantala, gagamitin na ni Cardinal Re ang titulong Dean Emeritus habang pinananatili ang kanyang titulo sa Suburbicarian See of Sabina-Poggio Mirteto.




