1,572 total reads
Muling iginiit ng Kanyang Kabanalan Pope Leo XIV ang pagtutol ng Simbahang Katolika sa parusang kamatayan, at binigyang-diin na maaaring mapangalagaan ang kabutihang panlahat at maipatupad ang katarungan nang hindi kumikitil ng buhay.
Sa mensaheng inilathala ng Santo Papa sa kanyang opisyal na X account na @Pontifex nitong October 10, 2026 kasabay ng paggunita sa World Day Against the Death Penalty, sinabi ni Pope Leo XIV na hindi katanggap-tanggap ang parusang kamatayan dahil ito ay isang pag-atake sa dignidad at buhay na ipinagkaloob ng Panginoon sa isang indibidwal.
“The death penalty is inadmissible because it is an attack on the inviolability and dignity of the person.” Bahagi ng mensahe ni Pope Leo XIV.
Ayon sa Santo Papa, may mga epektibong sistema ng pagkakakulong at pagpapanagot na kayang protektahan ang publiko habang nagbibigay pa rin sa mga nagkasala ng pagkakataong magbago at magpanibago ng buhay.
Paliwanag ni Pope Leo XIV, mahalagang mapangalagaan ang kabutihang panlahat at matugunan ang pagsusulong ng katarungan nang hindi kinakailangang sumailalim sa parusang kamatayan.
“The common good can be safeguarded and the requirements of justice can be met without recourse to capital punishment: effective systems of detention have been developed that protect citizens while at the same time do not completely deprive those who are guilty of the possibility of redemption.” Dagdag pa ni Pope Leo XIV.
Ang pahayag ng Santo Papa ay kasunod ng paninindigan ni Vatican Secretary of State Cardinal Pietro Parolin laban sa planong isapubliko sa pamamagitan ng livestream ang nakatakdang pagbitay kay Nidal Hasan, dating sundalo ng United States na nahatulan sa pagpatay sa 13 katao at pananakit sa 32 iba pa sa Fort Hood noong 2009.
Ayon kay Cardinal Parolin, hindi katanggap-tanggap na gawing palabas ang pagkitil ng buhay ng sinuman.
“It is certainly unacceptable to turn death into a spectacle. However guilty the person may be, there are other ways.” Pahayag ni Cardinal Parolin.
Samantala, nanawagan din si Archbishop Paul Coakley, pangulo ng United States Conference of Catholic Bishops, na muling pag-isipan ang planong pagbitay, habang nilinaw ng Arsobispo na hindi nangangahulugang kinukunsinti ng Simbahan ang mga krimeng nagawa ng sinuman.
Muli ring ipinapaalala ng paninindigan ni Pope Leo XIV na ang tunay na katarungan ay dapat magpanagot sa nagkasala, magprotekta sa komunidad, at kumilala sa kabanalan at dignidad ng buhay ng bawat tao.
Sa Pilipinas, muli ring nanawagan ang Coalition Against Death Penalty (CADP) ng katarungang nakapaghihilom sa halip na hustisyang kumikitil ng buhay.
Tema ng 24th World Day Against the Death Penalty ngayong taon na “Stories for Life,” na nagbibigay-diin sa mga buhay at kuwento ng mga taong apektado ng death penalty.




