930 total reads
Nanawagan si Virac Bishop Luisito Occiano na ipatupad ang moratorium sa operasyon ng pagmimina sa Catanduanes na nagdudulot ng malubhang panganib sa buhay ng tao, kaligtasan ng publiko at kapaligiran, kasabay ng babala na hindi dapat isakripisyo ang buhay para sa kita.
Sa kanyang Pastoral Letter on the Protection of Catanduanes Against Destructive Mining nitong October 14, iginiit ng obispo na hindi katanggap-tanggap ang anumang operasyon sa pagmimina na naglalagay sa panganib sa buhay, dignidad ng tao at pangangalaga sa sangnilikha.
“Human life must never be the price of profit,” ayon kay Bishop Occiano.
“We cannot support destructive mining that puts human life, the common good, and the integrity of creation at serious and unacceptable risk.”
Tinukoy ng obispo ang panukalang pagmimina ng karbon na sasaklaw sa limang ektarya.
“Five hectares may seem small on paper, but mining damage is not measured by size alone,” giit ni Bishop Occiano.
Ayon sa obispo, kailangang suriin ang lokasyon ng proyekto at ang posibleng epekto nito sa tubig sa ilalim ng lupa, mga ilog, sakahan at kabahayan, gayundin ang wastong pamamahala sa mga basurang magmumula sa operasyon.
Binigyang-diin din ng obispo na maaaring makontamina ng hindi maayos na nasusuri at nakokontrol na pagmimina ang mga pinagkukunan ng tubig, makasira sa mga sakahan at tirahan, at magdulot ng pagguho ng lupa, pagbaha at landslide.
“We insist: Whether legal or illegal, mining that endangers life and dignity is unacceptable. Legal does not always mean moral,” ayon sa obispo.
Nagpahayag din si Bishop Occiano ng pakikiramay sa mga pamilyang naiwan ng mga nasawi sa mga lugar ng pagmimina ng ginto sa lalawigan.
Hinimok ng pastol ang pamahalaan na imbestigahan ang mga pagkamatay na may kaugnayan sa pagmimina, ipatupad ang mga batas sa kaligtasan at pangangalaga sa kapaligiran, at panagutin ang mga lumalabag.
Ayon sa obispo, hindi dapat sisihin ang mga minero na napipilitang maghanapbuhay sa ganitong paraan dahil sa kahirapan. Sa halip, dapat tiyakin ang kanilang kaligtasan at mabigyan sila ng marangal at napapanatiling
kabuhayan.
Nilinaw naman ni Bishop Occiano na hindi tutol ang Simbahan sa kaunlaran, ngunit dapat itong nakasentro sa kapakanan ng tao at hindi sa paghahangad ng tubo.
“The Church is not against development. We need development that serves people, not people serving profit,” aniya.
Hinimok din niya ang mga mamamayan na maging mapagmatyag, magkaroon ng sapat na impormasyon at magkaisa sa mapayapang paghahanap ng katotohanan at pag-uulat ng mga pang-aabuso.
Binigyang-diin ng obispo na higit na mahalaga ang buhay at dignidad ng mga magsasaka, mangingisda at manggagawa kaysa sa mga mineral na nakabaon sa lupa.
Hinikayat ni Bishop Occiano ang mga mamamayan na piliin ang pangangalaga sa buhay at kalikasan para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.
Babasahin ang pastoral letter ng obispo sa lahat ng parokya at kapilya ng diyosesis sa mga misa sa Linggo upang ipagbigay-alam sa lahat ng nasasakupan ang paninindigan ng simbahan.







