60,488 total reads
Mga Kapanalig, may ganitong tanong sa isang sikat na kanta: “Napakaraming nars dito sa amin, ngunit bakit tila walang natira?” Ang sagot? “Nag-a-abroad sila.”
Sa baba ng pasahod at lagay ng mga ospital dito sa Pilipinas, paano naman nga aasenso ang mga nars sa bansa?
Dumalo si Pangulong Bongbong Marcos sa pagdiriwang ng Philippine Nurses Association ng Nurses’ Week. Pinasalamatan niya ang mga nars para sa kanilang serbisyo at dedikasyon. Nangako siyang pagbubutihin ng pamahalaan ang mga benepisyo at kalagayang-paggawa ng mga nars sa bansa. Ipinagmalaki pa ng pangulong may nakausap siyang hari na nagsabing sa lahat ng intensive care units (o ICU) sa kanilang mga ospital, 60% ng mga nars at doktor ay Pilipino. Dagdag pa raw ng hari, kung titigil daw tayong magpadala ng healthcare workers sa kanilang bansa, hihinto ang buong sistema ng pagamutan nila.
Nakaka-proud po ba ito, mga Kapanalig?
Mahuhusay, mababait, at masisipag ang mga manggagawang Pilipino, lalo na ang ating mga nars, kaya naman mataas ang demand para sa mga overseas Filipino workers sa buong mundo. Dapat itong ipagmalaki, pero ganap lamang itong magiging tagumpay kung pumupunta sila doon nang bukal sa kanilang kalooban, hindi dahil sa kagipitan at kawalan ng oportunidad sa sarili nating bayan.
Sa mga bansang miyembro ng Organization for Economic Cooperation and Development (o OECD) na karamihan ay mayayamang bansa, may mahigit 277,000 na mga Pilipinong nars na nagtatrabaho doon noong 2020. Tumaas ang bilang na ito ng halos 147% sa loob lamang ng dalawang dekada. Hindi ito katakataka.
Mahigit 30 taon na nang maisabatas ang Republic Act No. 7305 o Magna Carta of Public Health Workers, pero marami sa mga probisyon nito ang hindi pa rin naipatutupad. Ayon sa grupong Alliance of Health Workers, nananatiling mababa ang sahod ng maraming nars at understaffed ang mga pampublikong ospital sa bansa. Ang bagong pasok na nars ay sumasahod lang ng ₱14,000 kada buwan. Anim na beses ng halagang ito ang matatanggap na sahod ng isang nag-uumpisang nars sa New Zealand, kaya sinong hindi maeengganyong mag-abroad?
May mga nars din na mahigit isang dekada nang job order sa pinagtatrabahuhan nilang pampublikong ospital kung saan ang sahod nila ay isang libong piso lang kada araw o ₱20,000 kada buwan. Minsan ay iisa lang ang nars na permanente o nasa plantilla, samantalang dalawampu naman ang job order at walang katiyakan sa kanilang trabaho.
Sa mga ICU kung saan may isang nars dapat para sa bawat pasyente, nagiging tatlo ang pasyenteng iniintindi ng bawat nars Kaya kung nars ka sa isang pampublikong ospital sa Pilipinas, kailangang matututo kang mag-improvise at multi-tasking.
Ilan lamang ang mga ito sa napakaraming hamon na kinahaharap ng ating mga nars.
Para sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang pagtatrabaho ay hindi lamang karapatan pero isang pamamaraan ng pagkilala sa dignidad ng tao. Ang pagtatrabaho ay nakaugat sa dangal ng tao bilang nilikhang kawangis ng Diyos. Sa anumang trabaho, dapat kilalanin at igalang ang dignidad ng manggagawa. Nagagawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng makatarungan at nakabubuhay ng sahod, at pagsasaayos ng mga kalagayang-paggawa. Katulad nga ng paaalala sa Mangangaral 5:18, “nararapat lamang na kumain, uminom, at pakinabangan ng isang tao ang bunga ng kanyang pinagpaguran.” Ito ang hindi natatamasa ng maraming nars sa Pilipinas.
Mga Kapanalig, pinararangalan natin ang ating mga nars! Hindi sapat ang salita o mga pangako para tunay na maitaguyod ang kanilang dignidad bilang mga manggagawa. Huwag na sanang hintayin ng pamahalaang tuluyang maubos ang mga nars sa bansa bago sila pasahurin nang tama at isaayos ang lagay ng ating mga ospital.
Sumainyo ang katotohanan.




