320 total reads
Homiliya para sa Huwebes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Oktubre 29, 2026
Efeso 6:10–20; Lucas 13:31–35
Ang eksenang parang bumalik sa alaala ko na parang hawig sa eksena sa ating Ebanghelyo ngayon ay noong apostolic visit ni Pope Leo XIV sa Algeria, sa Africa. Habang nasa eroplano, tinanong siya ng mga international press people tungkol sa reaksyon niya sa mga sinabi laban sa kanya ni President Donald Trump.

Bago kasi iyon, binatikos ni President Trump ang Santo Papa, mahina daw ang Papa sa usapin ng kriminalidad at foreign policy. “Dagdag pa niya, “Leo should get his act together as Pope… and focus on being a Great Pope, not a Politician.”
Bakit? Dahil patuloy na nananawagan ang Santo Papa na itigil ang mga digmaan at humanap ng mapayapang paraan ng paglutas sa mga hidwaan.
Ano ang sagot ni Pope Leo kay Trump? “I have no fear of the Trump administration.” Pero nilinaw niya, “I am not a politician, and I do not want to enter into a debate with him.”
Parang ganiyan din ang eksena sa ating Ebanghelyo.
May ilang Pariseong lumapit kay Jesus at nagbabala: “Umalis ka na rito! Binabalaan ka ni Herodes!” Ano ang sagot ni Jesus? “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon: patuloy akong magpapalayas ng mga demonyo at magpapagaling ng mga maysakit ngayon at bukas at sa ikatlong araw.”
Ibig sabihin, hindi ako magpapadala sa mga batikos at pananakot niya. Hindi ako titigil sa aking misyon. Ganiyan din ang paninindigan ni Pope Leo bilang apostol ng kapayapaan sa ating panahon.
Tumitindi na naman ngayon ang mga giyera at armadong sagupaan ng mga makapangyarihan bansa sa mundo ngayon. Parang bumabalik na naman ang kaisipang “Might is right.” Kung sino ang mas malakas, siya ang masusunod. Matira ang matibay!
Habang lumalaki ang mga badyet para sa militar at pag-aarmas, marami ang nangangambang napapabayaan ang mga esensyal na serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan at iba pang pangunahing pangangailangan. Kaya nagpoprotesta ang mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan, sa ilang bansa sa Europa.
Pero dito pumapasok ang magandang paalala ni San Pablo sa ating unang pagbasa.
“Ang pakikipaglaban natin ay hindi laban sa laman at dugo.” Hindi tao ang tunay nating kalaban, kundi ang mga kapangyarihan ng kadiliman, ang mga puwersa ng kasamaan.
Madalas kong sabihin: wala namang taong likas na masama. Pero may mga taong nagpapadala sa masamang espiritu—sa kasakiman, galit, takot, paghihiganti at pagkauhaw sa kapangyarihan. At kapag nagpadala tayo sa mga espiritung ito, ang tingin natin sa kapwa ay kalaban na dapat talunin, patahimikin, o lipulin.
Kaya napakahalagang maging spiritually intelligent. Ang tawag dito ay discernment—ang kakayahang kumilatis kung anong espiritu ang kumikilos sa ating puso, sa ating mga desisyon, at maging sa mga batas at patakaran sa ating lipunan.
Kaya nga sabi ni San Pablo, isuot natin ang baluti (armor) ng Diyos: katotohanan, katarungan, pananampalataya, at ang Ebanghelyo ng kapayapaan.
Pansinin ninyo: hindi mga sandatang pamatay ang ipinadadala sa atin ni San Pablo, kundi mga ispiritwal na sandatang panlaban sa kasamaan.
Mga kapatid, hindi natin kailangang kamuhian ang tao para labanan ang kasamaan. Maaari nating tutulan ang mali nang hindi kinamumuhian ang gumagawa nito. Maaari tayong manindigan sa katotohanan nang hindi nagiging marahas.
Kaya sa tuwing may haharapin tayong labanan, itanong natin: Sino ba talaga ang kalaban ko? Ang taong kaharap ko? O ang masamang espiritung gustong maghari sa puso naming dalawa?
Dahil ang tunay na tagumpay ng Kristiyano ay hindi ang pagkawasak ng kalaban, kundi ang pagkatalo ng kasamaan at ang pagkapanalo ng kabutihan sa puso ng tao, sa ating mga ugnayan, mga pamayanan at mga kalakarang panlipunan at pandaigdigan.




