3,264 total reads
Mga Kapanalig, mahigit isang taon na mula nang mabunyag ang iskandalo sa mga palpak at pekeng flood control projects. May mga inaresto at sinampahan na ng kaso, pero patuloy pa rin ang paghahanap ng ganap na pananagutan.
Hindi pa nga natutuldukan ang usaping ito, may mga kuwestiyonableng proyekto na naman sa 2027 national budget na nagpapahiwatig na posibleng maulit ang mga anomalya ng nakaraan. Dagdag sa mga multipurpose buildings (na tinalakay natin kahapon) ang mga farm-to-market roads na ang nakatalang coordinates o lokasyon ay tumuturo sa dagat. Halimbawa, may mga proyekto sa Nueva Ecija na ang coordinates ay nasa karagatan ng Philippine Rise. Ang mga proyekto sa Cebu naman ay nakaturo sa Celebes Sea na nasa timog ng Mindanao. Ang coordinates naman ng mga proyekto sa Quezon ay lumilitaw sa dagat malapit sa Brunei.
Iginiit ng mga kongresista na dumaan sa tamang proseso ng beripikasyon ang mga proyekto at maaaring pagkakamali lamang sa pag-encode ang mga maling coordinates. Una nang sinabi ng People’s Budget Coalition, na nagsiwalat ng mga impormasyong ito, na hindi nila pinararatangan ang mga mambabatas ng katiwalian. Pero ang tanong ng grupo na tanong din natin: Kung masusing nasuri ang budget ng mga ahensyang magtatayo ng mga farm-to-market roads na ito, bakit nakalusot ang ganitong mga typographical error? Kung tunay na maayos ang proseso gaya ng iginigiit ng mga kongresista, dapat nakikita ito sa tama at kumpletong dokumentasyon, hindi lamang sa mga paliwanag matapos mabunyag ang problema.
Kung ganito na nga ang ating nakikita sa mga proyektong may dokumentasyon, lalong nakababahala ang halos 7,000 na proyektong walang malinaw na impormasyon. Lalo nitong nililimitahan ang kakayahan ng publiko na busisiin kung saan at paano gagastusin ang bilyun-bilyong pisong pondo. Kung walang dokumentong mapagbabatayan, hindi matutukoy ang mga kahina-hinalang detalye, hindi maituturo ang mga pagkakamali sa pag-encode, at hindi mahihingi ang paglilinaw bago pa tuluyang maaprubahan ang pondo.
Hindi kailangang patunayang may katiwalian na bago humingi ng paliwanag. Bahagi ng pananagutan ng pamahalaan ang tiyaking may sapat na batayan ang bawat proyektong pagkakagastusan gamit ang buwis ng taumbayan.
Ito ang aral na dapat nating natutunan sa flood control scandal. Hindi sapat na imbestigahan ang mga anomalya kapag naibulgar na, naibulsa na ang pera, at nagdusa na ang mga komunidad. Kailangang pigilan ang mga kahina-hinala at kuwestiyonableng alokasyon bago pa maaprubahan at maipatupad ang mga ito.
Ang paalala sa 2 Corinto 8:20–21 na dapat sikaping gawin ang marangal—hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao—ay dapat maging gabay ng mga nasa kapangyarihan sa paggamit ng pondo ng bayan. Responsabilidad ng mga ahensya at mambabatas na tiyaking makatwiran ang bawat proyekto, kumpleto at tama ang mga impormasyong nakatala, at bukás sa publiko ang dokumentasyon nito. Hindi lang dapat nakasalalay sa mga mamamayan at mga grupong nagbabantay sa budget ang pagtuklas sa mga pagkakamaling dapat sana ay nabantayan na sa proseso ng ating Kongreso. Gayunpaman, binibigyang-diin din sa Pacem in Terris na karapatan nating mga mamamayan na aktibong makilahok sa mga usaping pampamahalaan. Kabilang dito ang pagsusuri sa paggamit ng pondo ng bayan, pagtatanong, at panawagan ng pananagutan. Bagamat pangunahing tungkulin ito ng pamahalaan, mahalaga ring patuloy tayong makilahok at magbantay upang matiyak na ginagamit nang wasto ang pondo ng bayan.
Mga Kapanalig, huwag na sana nating hayaang maulit ang flood control scandal. Tama na! Kaya mahalagang patuloy na suriin ng mga mamamayan ang budget, kuwestyunin ang mga kahina-hinalang alokasyon, at panagutin ang mga nasa kapangyarihan. Gaya nga ng paalala ng People’s Budget Coalition: “Buwis natin ito. Boto natin ito. Budget natin ito.”
Sumainyo ang katotohanan.




