1,878 total reads
Hinimok ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mananampalataya na patuloy ang pagbabagong-buhay at panatilihing nakatuon sa Panginoon ang kanilang puso sa halip na hintayin ang kamatayan bago maghanda sa Kanyang pagdating.
Sa Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon, binigyang-diin ng Obispo na walang sinuman ang nakaaalam kung kailan darating ang Panginoon o kung kailan magtatapos ang kanilang buhay.
“Hindi ‘yung tayo’y maghahanda lang kapag malapit na tayong mamatay, o magpapakabait lang tayo kapag malapit na tayong mamatay. Ang inaano ng Panginoon ay laging maging handa. Parang ituon ang mata, ituon ang puso, na pwedeng bukas, makalawa, tayo’y huhusgahan na ng Panginoon. Hindi kasi natin alam ang oras, ni araw kung kailan nga ang dating ng Panginoon,” ayon sa pagninilay ni Bishop Gaa.
HInalimbawa ni Bishop Gaa ang talinghaga ng sampung dalaga na naghanda ng kanilang mga ilawan, bilang paalala na ang tunay na paghahanda ay hindi ginagawa sa huling sandali kundi isinasabuhay araw-araw.
Aminado rin ang Obispo na likas sa tao ang pagkakaroon ng mga kahinaan at pagkakasala na naglalayo sa kanila sa Diyos, kaya mahalagang patuloy na hingin ang Kanyang grasya upang magkaroon ng pagbabago.
“Kung ‘yun magagawa natin, kasi sadyang may kahinaan tayo. ‘Yan nga, ang bunga niyan, ang kasalanan natin, bunga niyan ‘yung lumalayo tayo sa Panginoon. ‘Yun ay patuloy nating hinihingi ng grasya para sa pagbabago. Pero hanggang sa huling hininga natin, nandiyan pa rin ang kahinaan natin. Pero ang mas tinitingnan, tingin ko, ng Panginoon, paano nga ba tayo naghahanda?,” bahagi pa ng pagninilay ni Bishop Gaa.
Ipinapanawagan ng Lumen Gentium ng Second Vatican Council sa lahat ng mananampalataya ang kabanalan at mas malalim na pakikipag-ugnayan sa diyos.




