2,017 total reads
Hinimok ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang mga kabataan at first-time voters na samantalahin ang voter registration upang makalahok sa 2028 National Elections at maging bahagi ng mahahalagang pagpapasya para sa kinabukasan ng bansa.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, ipinaliwanag ni Dr. Arwin Serrano, National Coordinator ng PPCRV, na maaari nang magparehistro ang mga mamamayang 16 taong gulang na at magdiriwang ng kanilang ika-18 kaarawan sa o bago ang ikalawang Lunes ng Mayo 2028, ang araw ng halalan.
Binigyang-diin ni Serrano na hindi lamang karapatang bumoto ang naibibigay ng pagiging rehistradong botante sapagkat maaari rin itong maging mahalagang dokumento sa ilang transaksyon sa pamahalaan, lalo na sa pagkuha ng mga sertipiko at iba pang dokumentong nangangailangan ng patunay na ang isang mamamayan ay botante sa isang partikular na barangay, lungsod o munisipalidad.
Ayon pa kay Serrano, maaari ring hingin ang voter registration record bilang katibayan ng pagiging botante sa lugar, lalo na sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng mga lokal na pamahalaan.
Dagdag ni Serrano, ang pagpaparehistro ay pagpapakita rin ng pagiging responsableng mamamayan at paghahanda sa isang mahalagang demokratikong proseso.
“Kapag tayo ay rehistrado, masasabi natin na tayo ay nagpapakita ng ating pagiging mabuting citizen sa ating bansa. Pang-apat, kapag tayo ay rehistrado, masasabi natin na pinaghandaan talaga natin ‘yung mga napakahalagang eleksyon sa ating bansa,” Bahagi ng pahayag ni Serrano sa Radyo Veritas.
Partikular na hinikayat ng PPCRV ang mga kabataan at first-time voters na makilahok sa halalan, kasunod ng pagbibigay diin sa papel ng mga batang botante sa mga halalan sa ibang bansa.
“Hinihikayat talaga natin ang mga young and first-time voters na makilahok magparehistro muna, and then pwede na tayong bumoto para sa napakahalagang eleksyon sa May 2028.” Paanyaya ni Serrano.
Nilinaw din ni Serrano na hindi lamang mga bagong botante ang maaaring magparehistro, sa halip ay maaari ring asikasuhin ang reactivation ng deactivated registration, transfer of registration, correction of entries, at iba pang kaugnay na proseso.
Ayon sa PPCRV, sa harap ng nalalapit na 2028 National Elections, mahalagang maunawaan na ang pakikilahok sa halalan ay hindi lamang nagsisimula sa araw ng pagboto, sapagkat nagsisimula ito sa maagang paghahanda, pagkuha ng sapat na impormasyon, at pagtupad sa tungkulin bilang mamamayan.
Kaakibat nito ang panawagan ng Simbahan para sa responsableng pakikilahok sa buhay panlipunan at pampulitika, kung saan ang pagboto ay hindi lamang personal na karapatan kundi isang mahalagang pananagutan na dapat isagawa nang may konsensiya, pagpapahalaga sa katotohanan, at malasakit sa kabutihang panlahat.




