1,380 total reads
Sa pagpapatuloy ng paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte, iniharap ng depensa ang dalawang testigo na sina Atty. Anel Martin S. Antero at si Chadrin S. Parian.
Si Atty. Antero ay isa sa mga nakasama ni Atty. Manases Carpio sa Tokyo, Japan kung saan gumastos ng 205 thousand-pesos para sa isang hapunan.
Habang si Parian naman ay co-parent ni Carpio sa Elite Basketball team na kasama rin sa Kuala-Lumpur Malaysia at pagbili ng 256 thousand-pesos na sapatos para sa buong basketball team ng mga bata, kung saan kabilang ang kanilang mga anak.
Ang usapin ay bahagi ng article II ng impeachment case o hindi maipalaiwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte -sa marangyang pamumuhay ng pamilya Duterte na bukod sa ipinagbabawal ng batas ay taliwas din sa imahe na ipinapahayag ng pamilya na payak na pamumuhay.
Ayon kay Antero, 11-katao silang kumain sa restaurant at nag-ambagan para sa bill ng kinain bagama’t ang credit ni Carpio ang kanilang ginamit.
Sa panig naman ni Parian, pagmamagandang loob lamang ang ginawa ni Carpio sa pagbibigay ng sapatos sa mga batang manlalaro na nagkampeon din sa basketball tournament sa Malaysia.
Bago ang paglilitis, una na ring binawi ng depensa ang paghaharap kay BPI Senior Vice President Atty. Paul Roderick Ysmael, kung saan una na ring binawi ang pagharap sa 15 iba pang mga kinatawan ng mga bangko.
Kinuwestyon naman ni prosecution counsel Atty. James Bryan Ibrahim Alih-ang pagbawi ng depensa kay Ysmael na may dokumentong isinumite ang BPI na nagpapatunay sa pagkakaroon ng dollar accounts ng bise presidente.
“We just wanted to highlight certain portions, Your Honor, particularly, say, for example, one letter coming from the BPI where it confirmed that the vice president had dollar accounts,” ayon kay Alih.
Paliwanag pa ng abogado, “This was not within our visibility because the subpoena issued previously did not include dollar accounts.”
Hindi ito agad natukoy dahil hindi kasama sa naunang subpoena sa bangko ang mga dollar account at nais sanang tanungin ng prosecution ang opisyal tungkol sa mga bagong dokumento, partikular ang liham na tumutukoy sa dollar accounts ng Pangalawang Pangulo.
Hindi naman pinayagan ni Senate Presiding Officer Francis Escudero na talakayin ang mga dokumento sa yugtong iyon dahil hindi pa pormal na naipiprisinta at natutukoy ang mga ito sa korte.
Samantala, maagang nag-adjourn ang hukuman dakong alas12 ng tanghali, dahil wala nang ihaharap na testigo ang depensa. Itinakda naman ng hukuman ang pagbabalik ng pagdinig sa Nov. 19 at 20 para bigyang-daan ang isasagawang ASEAN Summit sa susunod na linggo.




