1,829 total reads
Binigyang-diin ng In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDEFEND) na dapat unahin ang proteksiyon ng mga kaanak ng mga biktima ng war on drugs sa kanilang pagtestigo sa International Criminal Court (ICC), sa gitna ng apela ng depensa na limitahan ang pagtatanong sa kanila.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni iDEFEND spokesperson Atty. Jin Arabejo, na bagama’t karapatan ng mga abogado ng prosecution, defense at victims’ representatives na magtanong, higit na mahalagang matiyak ang kaligtasan ng mga testigo at ang malayang paglalahad ng katotohanan.
“Ang mas concern ng prosecution at ng victims ay ‘yung protection nila at ‘yung paglimita ng impormasyon,” Bahagi ng pahayag ni Arabejo sa Radyo Veritas.
Dagdag pa si Arabejo, “Para sa amin, sa prosecution at sa victims’ representatives, sa amin mas protection, ‘yung hindi ‘yung dami ng tanong, kundi ‘yung impormasyon na sasabihin nila, ‘yung katotohanan na lalabas at ‘yung protection nila bilang mga witnesses o mga tumetestigo.”
Ipinaliwanag din nito na naiiba ang sistema ng ICC sa karaniwang paglilitis sa Pilipinas dahil tatlong panig ang kinikilala rito, ang prosecution, defense, at victims.
“Sa atin dalawa ang parties, prosecution at defense. Sa ICC, tatlo, prosecution, defense, and victims. Hiwalay po ang victims,” Ayon pa kay Arabejo.
Aniya, tungkulin ng prosecution na patunayan ang mga krimen at kaugnay na ebidensiya, habang ang victims’ representatives ay naghahatid sa hukuman ng pananaw at opinyon ng mga biktima upang maisaalang-alang sa mga desisyon tungkol sa paglilitis.
“’Yung task ng victims representatives, ‘yung mga abogado na nagre-represent sa mga biktima, ‘yung views and opinions ay ipahayag sa ICC,” Ani Arabejo.
Ayon kay Arabejo, kabilang sa mga usaping kinokonsulta sa mga biktima ang iskedyul ng pagdinig at mga kondisyong makaaapekto sa kanilang kaligtasan.
Mahalaga rin aniya ang kanilang pananaw sa posibilidad na makabalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte at kung mayroon pa siyang kakayahang manakot o mang-harass sa mga biktima.
Nilinaw naman ni Arabejo, kaugnay sa mga testigong inaasahang haharap sa ICC sa Nobyembre 30, 2026 na hindi niya alam ang kanilang pagkakakilanlan o ang nilalaman ng kanilang testimonya.
“Unang-una po, ‘yung mga witnesses na ‘yun, hindi po natin kilala. Kahit ako hindi ko alam ang identity nila. Importante, witnesses sila. Hindi ko rin alam ‘yung content ng sasabihin nila,” Paliwanag ni Arabejo.
Gayunman, sinabi ni Arabejo na maaaring kabilang sa mga testigo ang mga eksperto, doktor na nagsuri kay Duterte, mga eksperto sa ballistics, dating miyembro ng Davao Death Squad, at mga pulis na may kaugnayan sa mga kasong extrajudicial killing.
Naniniwala naman si Arabejo na karaniwang hakbang din sa paglilitis ang pagtutol ng depensa sa kredibilidad ng ilang testigo.
“Normal objections naman po ‘yan ng mga abogado sa kahit anong witness, so parang standard ‘yan bilang defense, standard mong sinasabi ‘yan, in hopes na malimitahan o completely pagbawalan mag-testigo ‘yung testigo,” Ayon pa kay Arabejo.
Sa gitna ng paglilitis, binibigyang-diin ng usapin ang kahalagahan ng pagkilala sa karapatan ng mga biktima at kanilang mga pamilya na marinig, maprotektahan at mabigyan ng pagkakataong maihatid ang kanilang mga salaysay sa paghahanap ng katarungan




