2,258 total reads
Franciscan, nagpahayag ng pagtutol sa Pax Silica
Nanawagan ang Franciscan Province of San Pedro Bautista ng mas matibay na pagkilos laban sa mapanirang pagmimina, pang-aabuso sa kalikasan at mga proyektong maaaring magbanta sa karapatan ng mahihirap at katutubo, kabilang ang panukalang Pax Silica initiative sa Pilipinas.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Nobyembre 11, 2026 kasabay ng paggunita sa ika-800 anibersaryo ng Transitus o pagpanaw ni San Francisco ng Assisi, iginiit ni Fr. Lino Gregorio V. Redoblado, OFM, Minister Provincial ng Province of San Pedro Bautista, na hindi maaaring manatiling tahimik ang Simbahan habang nasisira ang sangnilikha at patuloy na nagdurusa ang mahihirap na komunidad.
Ang panawagan ay kasunod ng pagtitipon ng Inter-Franciscan Ministers Conference of the Philippines (IFMCP) noong Nobyembre 6 hanggang 8, 2026 sa Paenaan, Baras, Rizal, kung saan pinagtibay ang sama-samang pagtutol sa mapanirang pagmimina, mga industriyang mapaminsala sa kapaligiran at panukalang Pax Silica initiative.
Ayon kay Fr. Redoblado, sa loob ng maraming taon ay nakaranas ang ilang komunidad ng pagkasira ng kabundukan, kagubatan at mga ilog, pagkawala ng kabuhayan at banta sa mga lupang ninuno dahil sa mga proyektong pang-ekstraksiyon.
Binigyang-diin ng Pari na hindi maaaring ipagpalit ang kalikasan at dignidad ng tao sa pangakong kaunlaran.
“No profit can justify the destruction of creation. No promise of prosperity can excuse violations of human dignity. No development should sacrifice the poor for the benefit of the powerful,” Ayon sa pahayag ng kongregasyon.
Iginiit din ng mga Franciscano na hindi maaaring ihiwalay ang pagkasira ng kalikasan sa kahirapan at kawalan ng katarungang panlipunan, alinsunod na rin sa paalala ni Pope Francis sa encyclical nitong Laudato Si’ na pakinggan ang “both the cry of the earth and the cry of the poor.”
Iginiit ng grupo na higit na naaapektuhan ng pagkasira ng kapaligiran ang mga katutubo, magsasaka at mangingisda na umaasa sa likas na yaman para sa kanilang kabuhayan at pamumuhay.
Kaugnay nito, nagpahayag din ang mga Franciscano ng pagtutol sa panukalang Pax Silica initiative dahil sa mga posibleng epekto nito sa kapaligiran, ekonomiya, lipunan at geopolitika ng bansa.
“We likewise join the IFMCP in saying NO to the proposed Pax Silica initiative in the Philippines, given the serious concerns surrounding its possible environmental, social, economic, and geopolitical consequences. We recognize the legitimate aspirations of our country for technological progress and economic development. However, such initiatives must be subjected to genuine public scrutiny, transparent decision-making, credible environmental assessment, and meaningful consultation with affected communities.” Dagdag pa ni Fr. Redoblado.
Bagama’t kinikilala ang hangarin ng Pilipinas na makamit ang pag-unlad sa teknolohiya at ekonomiya, iginiit ng grupo na dapat dumaan ang mga ganitong hakbang sa masusing pagsusuri ng publiko, malinaw at transparent na pagpapasya, kapani-paniwalang environmental assessment at makabuluhang konsultasyon sa mga apektadong komunidad.
“Progress without justice is not authentic progress. Development without accountability is not responsible development. Economic growth that destroys creation cannot be called sustainable development,” Ayon kay Fr. Redoblado.
Hinimok din ng Pari ang pamahalaan na ipatupad ang mga batas pangkalikasan, pangalagaan ang mga lupang ninuno, igalang ang karapatan ng mga katutubo at imbestigahan ang mga kapani-paniwalang ulat ng pang-aabuso.
Kasabay nito, hinihikayat din ang mga parokya, paaralan, dambana at mga pamayanang Franciscano na isulong ang edukasyong pangkalikasan, makiisa sa mga apektadong komunidad, magsagawa ng adbokasiya at isabuhay ang responsableng pagkonsumo at pangangalaga sa kalikasan.
Binigyang-diin din ng Franciscan Provincial Minister na dapat maisalin sa kongkretong pagkilos ang panawagan ni San Francisco ng Assisi na, “Go, repair my house,” na ngayon ay sumasaklaw din sa mga nasirang pamayanan at nanganganib na ecosystem.
Sa pagtatapos ng pahayag, iginiit ng mga Franciscano na ang tunay na pagpupugay kay San Francisco ay hindi lamang sa pagdiriwang ng kanyang alaala kundi sa pagsasabuhay ng kanyang pagmamahal sa sangnilikha at malasakit sa mahihirap.
“Therefore, as one Franciscan Province, we declare: ENOUGH IS ENOUGH! We choose LIFE over destruction, JUSTICE over exploitation, SOLIDARITY over indifference, and the PROTECTION OF CREATION over greed and irresponsible profit,” Pagbabahagi ni Fr. Redoblado.
Sa bahagi ng Simbahang Katolika, ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang usaping pangkapaligiran kundi isang moral na pananagutan, kung saan itinuturo ng Laudato Si’ na magkakaugnay ang krisis pangkalikasan at panlipunang krisis, kaya dapat unahin sa mga usapin ng kaunlaran ang dignidad ng tao, karapatan ng mga katutubo at kabutihang panlahat.




