5,122 total reads
Nagpasalamat ang Diocese of Mati kay Bishop Abel C. Apigo sa kanyang paglilingkod bilang kanilang pastol matapos italaga ni Pope Leo XIV bilang ikalimang arsobispo ng Archdiocese of Davao.
Sa pahayag na inilabas noong Nobyembre 11, 2026 sinabi ni Rev. Fr. Richard P. Labo, Chancellor ng Diocese of Mati, na bagama’t may lungkot sa kanilang pagtanggap sa balita, ikinagagalak din ng diyosesis ang panibagong misyong ipinagkatiwala kay Bishop Apigo para sa kabutihan ng Simbahang pandaigdig.
“As we accept this news with a tinge of sorrow, we also concurrently feel blessed that our Bishop was given a new Pastoral mission all for the good of the Universal Church.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Labo.
Ayon kay Fr. Labo, mananatili ang pasasalamat ng Diyosesis ng Mati sa naging paglilingkod ni Bishop Apigo bilang isang mahabagin na pastol at espirituwal na ama na naging instrumento sa paggabay at paglago ng kanilang lokal na Simbahan.
“We will always be grateful to him who became not only our compassionate pastor and benevolent spiritual father, but also became very instrumental in guiding and helping us grow; hence bringing the best in us as a Diocese. As we lift our hands to the Lord in thanking Him for giving us a Bishop after His own heart, we are also hopeful as we wait for our new Bishop.” Ayon sa pahayag ni Fr. Labo.
Hiniling din ng Diyosesis ng Mati ang patuloy na panalangin para kay Bishop Apigo, sa buong Diyosesis ng Mati at sa Simbahang Katolika, habang hinihintay ang paghirang ng bagong Obispo na mamumuno sa diyosesis.
Ipinaabot din ni Fr. Labo na ikinagagalak ni Archbishop-elect Apigo ang mga pagbati at panalangin ng mga mananampalataya.
Samantala, inaasahan namang ilalabas sa susunod na mga araw ang iskedyul ng kanyang installation bilang bagong Arsobispo ng Davao.
Matatandaang itinalaga ni Pope Leo XIV si Mati Bishop Abel Apigo bilang bagong arsobispo ng Davao, kasabay ng pagtanggap sa pagbibitiw ni Davao Archbishop Romulo Valles noong November 9, 2026.
Nagbitiw si Archbishop Valles matapos maabot ang itinakdang edad na 75-taong gulang para sa pagreretiro ng mga obispo, matapos pamunuan ang Arkidiyosesis ng Davao sa loob ng humigit-kumulang 14 na taon.
Si Bishop Apigo naman na 58-taong gulang ay naordinahang pari sa Arkidiyosesis ng Davao noong April 18, 1994, at naglingkod sa iba’t ibang tungkulin sa St. Francis Xavier Regional Major Seminary of Mindanao, kabilang ang pagiging rektor nito noong 2006.
Itinalaga ni Pope Francis si Bishop Apigo bilang ikalawang obispo ng Mati noong February 10, 2018, at naordinahan bilang obispo noong April 24, 2018.




