2,792 total reads
Lumalawak ang suporta sa panukalang Smoke-Free and Vape-Free Environment Bill o House Bill 9603 matapos itong makalusot sa House Committee on Health, kasabay ng panawagan na tiyakin ang proteksiyon ng publiko, lalo na ng mga bata at hindi naninigarilyo, laban sa secondhand smoke at vape aerosol.
Sa panayam sa programang Barangay Simbayanan, sinabi ni Aurora Quilala -Executive Director ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD), na mula sa 15 pangunahing may-akda ng panukala nang ihain ito noong Hunyo, nadagdagan pa ito ng 15 co-authors sa loob ng limang buwan, kung saan may apat pang kahalintulad na panukala na inihain sa Kamara, kabilang ang tatlong bersyon na sumasaklaw din sa vape.
Ayon kay Quilala, lumawak din ang suporta mula sa mga lokal na pamahalaan, kabilang ang mga sanggunian na nagpasa ng mga resolusyong humihiling sa Kongreso na aprubahan ang HB 9603.
Sa naganap na pagdinig ng House Committee on Health, kabilang sa mga dininig ang mga pananaw ng mga doktor, abogado, magulang, kabataan at health advocates habang nagbahagi rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ng karanasan ng lungsod sa pagpapatupad ng smoke-free policies.
“It’s a health measure with development and social dimensions. It’s a good investment for LGUs,” Bahagi ng pahayag ni Quilala sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin din ng opisyal na napatunayan ng karanasan ng Baguio City na maaaring matagumpay na maipatupad ang ganitong polisiya.
Matapos ang pagdinig, inaprubahan ng komite ang limang magkakaugnay na panukala at inatasan ang secretariat na pagsamahin ang mga ito at ang mga rekomendasyon ng resource persons sa isang consolidated o substitute bill.
Kabilang sa mga tinalakay ang paglalaan ng tatlong porsiyento ng local health budget para sa pagpapatupad ng batas.
Gayunman, natukoy rin ang Special Health Fund sa ilalim ng Universal Health Care Act bilang karagdagang posibleng mapagkukunan ng pondo.
“Kung gusto mong ma-implement nang maayos ang isang batas, you have to fund it,” Dagdag pa ni Quilala.
Aniya, mahalagang makita ng mga lokal na pamahalaan na ang pagpapatupad nito ay hindi lamang dagdag na trabaho o gastos kundi pamumuhunan sa kalusugan ng komunidad.
Ipinaliwanag din ni Quilala na layunin ng HB 9603 na amyendahan ang Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003, palawakin ang mga pampublikong lugar na maaaring ideklarang smoke-free, at bigyan ang mga LGU ng kapangyarihang magtatag ng nakatalagang task force at pondohan ang pagpapatupad ng polisiya.
“Kung hindi malinaw sa batas kung paano gagawin ng LGU ‘yung inuutos, mahirap po asahan na magagawa nila ‘yun,” Ayon kay Quilala.
Dagdag pa ng opisyal, hinango ang panukala sa mga best practices ng mga lokal na pamahalaang may karanasan na sa pagpapatupad ng smoke-free policies.
Nilinaw din ni Quilala na hindi layunin ng panukala na kontrolin ang kalakalan, kundi tiyaking ang paninigarilyo ay ginagawa lamang sa mga pinahihintulutang lugar upang hindi malantad sa usok ang ibang tao.
Binigyang-diin din niyang hindi ligtas na alternatibo sa sigarilyo ang vape dahil maaari itong magdulot ng nicotine addiction at maging daan upang magsimulang manigarilyo ang mga hindi pa gumagamit nito.
Inaasahang bubuo ang committee secretariat ng consolidated bill o committee report upang maihain at talakayin sa plenaryo ang panukala sa unang bahagi ng 2027.
Nanawagan naman si Quilala sa Senado na magkaroon ng katapat na panukala upang sabay na umusad ang batas sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Hinimok din ng opisyal ang publiko na lumagda sa online petition ng Philippines Smoke-Free Movement at direktang makipag-ugnayan sa kanilang mga kinatawan upang hilingin ang pagsuporta sa panukala.
Hinikayat ni Quilala sa mga mambabatas na gawing makabuluhang regalo sa mga bata ngayong National Children’s Month at Pasko ang pagpasa ng pambansang batas para sa smoke-free at vape-free na kapaligiran.
Naninindigan ang Simbahang Katolika na ang pangangalaga sa kalusugan ay bahagi ng pagtatanggol sa dignidad ng tao at kabutihang panlahat, kung saan lalong mahalaga ang pagprotekta sa mga bata at iba pang mahihinang sektor laban sa mga panganib sa kalusugan na hindi nila kusang pinipili.




