8,988 total reads
Magsasagawa ng malawakang pagkilos ang mga lider ng iba’t ibang relihiyon at civil society groups sa December 9, upang ipanawagan ang pananagutan ng mga sangkot sa korupsyon at pagbabago sa sistema ng pamahalaan.
Gaganapin ang Nationwide Indignation Rally Against Corruption kasabay na rin ng paggunita sa International Anti-Corruption Day.
Ayon kay Fr. Tony Labiao- executive director ng White Ribbon Movement, layunin ng pagkilos na panatilihing buhay ang kamalayan at pakikilahok ng publiko sa paglaban sa korupsyon na aniya’y patuloy na umiiral sa iba’t ibang antas ng pamahalaan.
“Iyan ang pagbabalik ng pagmumulat sa mga tao na huwag manahimik sa patuloy na nangyayaring korupsyon sa ating bayan,” ayon kay Fr. Labiao sa panayam ng Radyo Veritas.
Naging dagdag na dahilan din ng panawagan ang mga natukoy na sinasabing kahina-hinalang insertion sa panukalang 2027 national budget, batay sa pagsusuri ng People’s Budget Coalition.
Nais ng grupo na mabantayan ang pagtalakay at pag-apruba ng Senado sa panukalang pondo.
Hindi naman sang-ayon si Fr. Labiao sa pahayag ni Senator Alan Peter Cayetano na lahat ay may bahid ng korupsyon, at sinabing hindi dapat idamay ang mga tapat na lingkod-bayan, kundi ay dapat aniyang panagutin ang mga tiyak na sangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.
“Pero sa tingin ko personal kulang at mabagal. So marami pa talaga ang dapat managot. Pangalawa, sana hindi lang pagbibigay ng kaso. Hindi lang pag-akusa o pag-file ng kaso at ibilanggo yung tao. Kasi mayroon pa tayong demand na ano tawag noon? Retribution. Na ibig sabihin kung totoong nangyari yan, ibalik ang mga ninakaw na pera sa bayan. Kasi yan ang dahilan kung bakit naghihirap ang bayan,” ayon kay Fr. Labiao.
Binigyang-diin ng pari na hindi sapat na makulong lamang ang mga mapatutunayang nagkasala, sa halip ay dapat ding mabawi at maibalik sa pamahalaan ang perang ninakaw sa taumbayan upang makatulong sa pagtugon sa kahirapan.
Pinangungunahan ng Interreligious Leaders Council for National Transformation sa pamumuno ni Bishop Colin Bagaforo, kasama ang mga lider Katoliko, Protestante, Evangelical, Muslim at Orthodox, gayundin ang mga civil society organizations.
Iginiit ni Fr. Tony, hindi dapat matapos sa mga kilos-protesta ang paglaban sa korupsyon. Kailangan din ang tuloy-tuloy na edukasyon, pagpapalaganap ng impormasyon at pag-oorganisa sa mga komunidad, lalo na sa mga kabataan, upang maunawaan ng publiko ang ugat ng korupsyon at makilahok sa pagbabago ng sistema.
Inaanyayahan ang publiko na makiisa sa pagkilos sa Disyembre 9 sa People Power Monument ang magsuot ng puting damit.
Magsisimula ito sa isang banal na misa sa EDSA Shrine sa 12:00 ng tanghali at susundan ng pagmamartsa patungong People Power Monument para sa idaraos na programa sa alas-dos ng hapon.
Naninindigan si Fr. Labiao, kailangan ang sama-samang pagkilos ng mamamayan upang mapanagot ang mga sangkot sa korupsyon at maisulong ang tunay na pagbabago sa pamahalaan.




