480 total reads
Binigyang-diin ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na hindi lamang dapat ituring na patutunguhan ng mga manlalakbay-pananampalataya ang Mahal na Birhen ng Antipolo, kundi isang ina na kasama ng mga Pilipino sa kanilang paglalakbay sa buhay, lalo na sa gitna ng mga pagsubok, pangamba at paghahanapbuhay.
Sa kanyang homiliya sa pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng canonical coronation ng imahen ng Our Lady of Peace and Good Voyage, sinabi ni Cardinal Advincula na ang buong buhay ni Maria ay isang paglalakbay ng pananampalataya, paglilingkod at pagtitiwala sa Diyos.
Ayon sa kardinal, hindi lamang nanatili si Maria sa Nazareth matapos malaman na siya ang magiging ina ng Anak ng Diyos. Agad siyang naglakbay upang tulungan ang kanyang pinsang si Elizabeth na nangangailangan ng kalinga.
Naranasan din ni Maria ang hirap ng paglalakbay patungong Bethlehem, ang pagiging refugee nang tumakas sila patungong Egypt upang iligtas si Hesus, at ang matinding sakit nang samahan niya ang kanyang Anak hanggang sa krus sa Kalbaryo.
“Mary’s entire life was a pilgrimage of faith. Mary set out because she trusted God. She continued because her faith was stronger than her fear,” ayon sa homiliya ni Cardinal Advincula.
Binigyang-diin din niya na malalim ang kaugnayan ng karanasan ni Maria sa buhay ng mga Pilipino, na patuloy na naglalakbay sa iba’t ibang bansa at lugar upang maghanapbuhay at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Kabilang dito ang milyun-milyong Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, malayo sa kanilang mga mahal sa buhay, gayundin ang mga lumilipat mula sa mga lalawigan patungo sa mga lungsod upang humanap ng trabaho at marangal na pamumuhay.
“Bawat Pilipino at bawat tao ay naglalakbay kasi naghahanap-buhay,” ayon pa sa kardinal.
Paliwanag ng arsobispo ng Maynila na higit pa sa paghahanap ng kabuhayan ang kahulugan ng paghahanapbuhay dahil sa huli, ang tunay na hinahanap ng bawat tao ay buhay na nagmumula kay Hesukristo.
Binanggit din ni Cardinal Advincula ang titulong Solacium Migrantium o Comfort of Migrants na idinagdag ni yumaong Pope Francis sa Litany of Loreto bilang pagkilala kay Maria na nakauunawa sa pangamba, kawalang-katiyakan at pangungulila ng mga taong malayo sa kanilang tahanan.
Samantala, inilarawan din ng kardinal si Maria bilang ina ng Simbahang naglalakbay kasama ang sambayanan o synodal Church.
Aniya, hindi dapat manatiling nakatuon ang Simbahan sa mga nakasanayang gawain at estruktura nito. Sa halip, dapat itong patuloy na lumabas, makinig, kumilatis, umalalay at makiisa sa paglalakbay ng mga tao tungo sa kalooban ng Diyos.
Ipinaliwanag niyang hindi lamang pansarili ang mga paglalakbay ni Maria dahil palagi itong nakaugnay sa pangangailangan ng iba at sa misyon ng kanyang Anak.
Sa pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng canonical coronation, sinabi ni Cardinal Advincula na sumasagisag ang korona ni Maria sa katuparan ng kanyang paglalakbay sa pananampalataya.
Paalala nito na ang huling hantungan ng paglalakbay ng tao ay hindi pagdurusa, pagkatapon o kamatayan, kundi ang kaluwalhatian at pakikiisa sa Diyos.
Matatandaang ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-400 anibersaryo ng pagdating sa Pilipinas ng imahen ng Our Lady of Antipolo, na kilala rin bilang Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay.
Ayon kay Cardijnal Advincula, hindi lamang tagapagtanggol ng mga naglalakbay sa karagatan ang Mahal na Birhen, kundi isang ina na patuloy na gumagabay at sumasama sa sambayanan sa kanilang paglalakbay sa buhay.




