382 total views
Mga Kapanalig, hinagupit ang Visayas at Hilagang Mindanao noong nakaraang linggo ng Bagyong Odette. Nasa kategoryang super typhoon ang bagyong ito na nag-landfall sa ating bansa noong Huwebes. Itinaas ang signal number 4 sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao. Ngayong nalalapit na ang Pasko, makapagdiriwang pa ba ang ating mga kababayan doon?
Sa Dinagat Island, umabot sa 3,000 katao ang lumikas patungo sa mga evacuation centers ng probinsya. Apektado rin ang Surigao del Norte sa Caraga Region at ang Zamboanga Peninsula. Sa Cagayan de Oro, nasa halos 10,000 katao ang inilikas sa mga evacuation centers dahil sa banta ng matinding pagbaha dala ng pag-apaw ng Cagayan River. Umabot sa 2,000 pamilya ang sumilong sa mga evacuation centers. Ganito rin ang naging sitwasyon sa mga karatig-bayan sa Bukidnon.
Sinalanta rin ng Bagyong Odette ang Visayas. Higit sa 6,400 katao ang nailikas bago mag-landfall sa Cebu City ang bagyo. Nasira din ang mga imprastraktura sa rehiyon. Ganito rin ang sitwasyon sa Bacolod at ilang bayan sa Negros Occidental. Nakapaglikas rin ang mga lokal na pamahalaan sa Bohol, Southern Leyte, at Guiuan sa Eastern Samar. Matatandaan nating marami sa mga lugar na ito ang sinalanta rin ng Bagyong Yolanda noong taong 2013 at Bagyong Sendong noong 2011. Habang isinusulat ang editoryal na ito, umabot na sa 100,000 katao ang apektado ng Bagyong Odette na nagdala ng matinding pagbaha, pagkasira ng mga imprastraktura, pagkawala ng kuryente at linya ng komunikasyon, at pagkasira ng tirahan at kabuhayan ng libu-libo nating kababayan.
Sa paghagupit ng Bagyong Odette sa ating bansa habang nagpapatuloy ang banta ng COVID-19 (at ng bagong variant nito), ang mga bata ang isa sa pinaka-vulnerable sa mga epekto ng dalawang pangyayaring ito. Nagpahayag ang Save the Children, isang NGO na nagtataguyod ng karapatang pambata, ng pagkabahala sa kapakanan ng mga bata at kanilang pamilyang kinailangang lumikas patungo sa mga evacuation centers. Doon ay malalantad sila sa pagkalat ng sakit, katulad ng diarrhea at ng COVID-19. Sa tala ng Save the Children, umabot sa 13,000 mga bata ang nagsiksikan sa mga evacuation centers kung saan hindi laging malinis at kumpleto ang mga pasilidad para sa sanitasyon at kulang ang espasyo upang matulog. Kaya nananawagan ang Save the Children na maayos na ipatupad ang Children’s Emergency Relief and Protection Act (o Republic Act 10821) upang matiyak ang kapakanan ng mga bata, mga nanay, at mga pinakalantad sa epekto ng bagyo.
Sa gitna ng papalakas na papalakas na mga bagyo dahil na rin sa climate change, higit sa pagpapatupad ng mga batas upang sapat na maghanda at agad na tumugon tuwing may bagyo ang kinakailangan. Sa isinagawang United Nations climate summit noong Nobyembre, nanawagan ang mga kabataang miyembro ng Local Conference Youth in the Philippines ng mabuting pamamahala upang itaguyod ang climate justice na magtitiyak sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon para sa mundong ligtas.
Ganito rin ang sinasabi sa atin ni Pope Francis sa kanyang encyclical na Laudato Si’. “What need does the earth have of us?” tanong niya. Hindi na dapat na sabihin nating ito ay para sa susunod na henerasyon. Dapat rin nating makitang nakataya ang dignidad ng lahat sa atin, dahil nasa kamay natin kung pamamanahan natin ng isang mundong hindi angkop tirahan ang mga susunod sa atin. Sabi nga sa 1 Corinto 4:2, bilang mga katiwala ng Diyos, kailangang maging tapat tayo sa layunin ng Panginoon na gawing tahanan ang mundong ito. Magagawa lamang natin iyon kung papangalagaan natin ang nag-iisa nating tahanan.
Mga Kapanalig, marami pang bagyong darating sa ating bansa. Dapat na tayong kumilos, ngayon na!
Sumainyo ang katotohanan.