16,657 total views
Ikinalugod ng pinuno ng Aliança de Santa Maria na maging bahagi sa National Fatima Convention on the Centenary of the Five Saturdays Devotion ng Pilipinas.
Ayon kay Sister Angela Coelho, superior general ng Portuguese congregation na mahalagang maipalaganap sa buong mundo ang mensahe ng Mahal na Birhen ng Fatima upang magbuklod ang mananampalataya para sa kapayapaan.
Pinuri nito ang malalim na debosyon ng mga Pilipino sa Mahal na Ina o pagiging tanyag ng Pilipinas bilang Pueblo Amante de Maria.
“It was a marvelous opportunity to spread the word and to share the message of Fatima, the main requests of Our Lady in the apparition of First Saturday,” pahayag ni Sr. Coelho sa Radio Veritas.
Humigit kumulang sa 1, 300 deboto ng Mahal na Birhen ng Fatima ang nagtipon sa Mary Mother of Hope Chapel ng Landmark Trinoma sa Quezon City nitong December 10 sa pangunguna ng World Apostolate of Fatima Philippines.
Sinabi ni Sr. Coelho na ang Fatima convention ay pagkakataong lalong mapalalim ang debosyon sa Mahal na Birhen.
“This is very special because if we fulfill this devotion, we really start to live a spiritual path of sanctity, where we have the Rosary, the meditation on the Gospel, and the sacramental life,” ani Sr. Coelho.
Ipinaliwanag nito na ang Mahal na Birhen ay hindi lamang nagbibigay ginhawa sa mga nagdadalamhati kundi gumagabay din sa bawat isa tungo sa landas ni Hesus at tumutulong na masumpungan ang mga ninanais sa buhay.
Umaasa itong tularan ng mananampalataya ang mga halimbawa nina San Francisco, Santa Jacinta Marto at Sister Lucia Dos Santos na kabila ng kamusmusan nang magpakita ang Mahal na Birhen noong 1917 ay buong tapang na ibinahagi ang mensahe nito para sa sanlibutan lalo na ang pagdarasal ng Santo Rosaryo para sa kapayapaan ng buong mundo.
“Please, do the First Saturday devotion even if you think it’s not a lot or it’s a small thing, it’s really what can change the world,” giit ng misyonero.
Kasabay ng convention ang paglunsad sa Pilgrim Image ng Immaculate Heart of Mary of Pontevedra na bibisita sa iba’t ibang diyosesis sa bansa mula February hanggang December 2025 kasabay ng pagdiriwang ng simbahan ng Jubilee Year of Hope 2025.