10,710 total views
Hinimok ng Military Ordinariate of the Philippines ang mga Pilipino na iwaksi ang kaugalian ng pag-aaksaya at paigtingin ang diwa ng pakikipagkapatiran sa kapwa.
Ito ang Christmas message ni Bishop Oscar Jaime Florencio at kapanganakan ng Panginoong Hesukristo.
Ipinaalala ng Obispo sa mga mananampalataya na isa sa mga tunay na diwa ng pasko ay ang pagiging daluyan ng pag-ibig ng Panginoon upang mabago ang kalagayan ng buhay ng mga mahihirap.
Umaasa si Bishop Florencio na iwasan ng mananampalataya ang pagmamalabis at pagsasayang sa pagdiriwang ng kapaskuhan sa halip ay alalahanin ang mga walang-wala sa buhay.
“Alam po natin na minsan na nagkakaroon tayo ng mga pagsubok, financial, pagsubok sa ating kalusugan at ibat-iba pang mga problem pero dito siguro maging, magkaroon tayo ng sensitivity sa ating mga kapwa tao na hindi katulad natin lalung-lalu na yung mga maralita, yung mga kapatid natin na walang-wala sa kanilang buhay, siguro ito yung alalahanin natin, hindi mo man siguro ibig sabihn na pupuntahan natin sila at magbibigay tayo, bakit hindi rin? pwede namang puntahan natin, pero ibig kong sabihin na alalahanin natin sila sa ating mga pagdiriwang na ito na hindi naman po lahat ay maglalabis at siguro huwag ng para bang nagsasayang lang tayo ng mga pagkain, nagsasayang lang po tayo kung ano-ano mang pwede natin sanang maibigay doon sa mga kapatid,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Florencio.
Ipinagdarasal ng Obispo na katulad ng apela ng Santo Papa ay isabuhay ng nagkakaisang simbahan ang Sinodo na sama-samang paglalakbay.
Panalangin pa ni Bishop Florencio na sa pagsisimula din ng Jubilee Year sa susunod na taon ay isabuhay ito ng mga mananampalataya higit na ang temang ‘Pilgrims of Hope’ kung saan ang bawat isa ay nagsisilbing simbolo ng pag-asa lalu na para sa mga mahihirap na kapatid.
“Lalung-lalu na sa next year po ay Jubilee, so siguro hindi man tayo makapagbigay ngayon pero simulan natin ang pag-iisip, simulan natin ang mapagbigay na puso dahil by next year it’s also ang invitation dahil hinihikayat din tayo na magbigay lalung-lalu na sa mga kapwa na walang-wala sa kanilang buhay at mga nasa laylayan, yun lang po ang ating mga mensahe para sa ngayon at sana po ay tayo ay magdiwang ng pasko, ng pagsilang ng ating Panginoon, punong-puno ng pagasa, ligaya at lalung-lalu na sa pagtanggap natin ng Bagong taon sa Jubilee Year ng 2025,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Florencio.
Sa datos ng Social Weather Stations noon 3rd Quarter ng 2024 ay umabot sa mataaas na 59% ang Poverty Rate ng Pilipinas.