1,361 total views
Nanawagan si Cebu Archbishop Alberto Uy sa mamamayan ng Cebu na magkaisa sa pagtulong sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Tino, na nanalasa sa lalawigan.
Sa kanyang panawagan, hinimok ng arsobispo ang lahat na magbukas ng kanilang mga puso at tahanan para sa mga nasalanta.
“Many of our brothers and sisters here in Cebu have lost their belongings. Please open your closets and look for clean and presentable clothes, towels, or blankets that you can donate to the victims of the storm,” panawagan ni Archbishop Uy.
Bagama’t hindi pa ganap na nakakabangon ang Cebu mula sa pinsalang dulot ng malakas na lindol kamakailan, muling sinubok ng Bagyong Tino ang lalawigan, at nagdulot ng malawakang pagbaha at pinsala.
Binigyang-diin ni Archbishop Uy na sa kabila ng matinding pagsubok na kinakaharap ng mga Cebuanong lubhang apektado ng magkakasunod na kalamidad, kailangang manatiling matatag, nagkakaisa, at patuloy na magbahagi ng pag-asa sa isa’t isa.
“Let us continue to GIVE HOPE (HATAG PAGLAUM) to our struggling brothers and sisters,” dagdag ng arsobispo.
Kaugnay nito, pangungunahan ng Cebu Caritas, bilang social arm ng Archdiocese of Cebu, ang pagtanggap at pamamahagi ng mga tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Para sa mga nais magbahagi ng in-kind donations, maaari itong dalhin sa Pope John XXIII College Seminary Gym sa Mabolo, Cebu City, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, kung saan tatanggapin ng Cebu Caritas personnel ang mga donasyon.
Tumatanggap din ang social arm ng cash donations sa Metrobank Peso Account name: Cebu Caritas Inc. sa Account No.: 308-7-308702495.
Nagbabala naman ang simbahan sa publiko na mag-ingat laban sa mga kahina-hinalang indibidwal o grupo na maaaring samantalahin ang sitwasyon at gamitin ang pangalan ng simbahan upang manlinlang ng kapwa.




