254 total views
May mga usaping mas nararapat na tutukan ng pamahalaan sa halip na ang isinusulong na pagbabalik ng parusang kamatayan.
Ito ang binigyang diin ni ‘Running Priest’ Rev. Father Robert Reyes kaugnay sa pagtatapos ng 21-araw na Lakbay Buhay March Caravan for Life na nagsimula noong ika-4 ng Mayo sa Cagayan de Oro.
Iginiit ng Pari na mas nararapat unahin ng mga mambabatas ang pagpapatatag sa justice system ng bansa, penal system at police system upang mas maging epektibo ang sistema ng katarungan sa bansa.
“Dami-daming dapat unahin halimbawa ang issue ng pag-kain ang daming nagugutom, ang issue ng magandang pamamalakad ng gobyerno lalong lalo na sa justice system, sa penal system, sa police system. Kapag epektibo ang pamamalakad ng pamahalaan, yung mga batas na extreme katulad ng bitay hindi na kailangan…” pahayag ni Father Reyes sa panayam sa Radio Veritas.
Ika-7 ng Marso nang inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 4727 o panukalang pagbuhay ng parusang kamatayan sa ikatlo at huling pagbasa.
Sa pumasang bersyon ng Kamara ipapataw lamang ang parusang kamatayan sa mga drug-related cases.
Sa tala ng Dangerous Drugs Board, sa Pilipinas aabot sa 1.8-milyong indibidwal ang gumagamit ng droga samantalang 4.8-milyon naman ang aminadong nakagamit o nakatikim ng ipinagbabawal na gamot.
Patuloy naman ang paninindigan ng Simbahang Katolika laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan na isunusulong sa pamamagitan ng Death Penalty Bill sa Senado.