25,831 total views
Humiling ng panalangin si Boac Bishop-elect Fr. Edwin Panergo habang inihahanda ang sarili sa mas malawak na misyong pagpapastol sa Simbahan ng Marinduque.
Itinalaga si Fr. Panergo ni Pope Leo XIV bilang bagong pastol ng Diocese of Boac, na halos isang taon nang sede vacante matapos ilipat si Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. sa Diocese of San Pablo, Laguna, noong 2024.
Buong kababaang-loob na tinanggap ng bagong hinirang na obispo ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanya ng Simbahan, sa kabila ng kanyang pag-amin sa sariling kahinaan.
“Please pray for me. I know my weaknesses. I know the magnitude and the demands of the ministry that awaits me in Boac, Marinduque,” pahayag ni Bishop-elect Panergo.
Binigyang-diin ng pari na ang pagiging obispo ay hindi isang karangalan o titulo para paglingkuran, kundi isang paanyaya ng Panginoon upang maglingkod sa kapwa.
“Ang pagiging obispo ay hindi isang titulo na para bang ako ang pagsisilbihan, kundi isang paanyaya upang maglingkod,” dagdag ni Bishop-elect Panergo.
Ayon kay Bishop-elect Panergo, itinuturing niyang biyaya para sa Diocese of Lucena ang kanyang pagkatalaga bilang obispo, lalo na’t kasabay ito ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng diyosesis.
Aniya, ito ay pagkakataon upang higit pang mapalawak ang misyon ng Lucena sa mga karatig-lalawigan gaya ng Marinduque.
Inanunsyo ng Vatican ang kanyang appointment noong Oktubre 4, habang kasalukuyang nagsisilbing rector ng Our Lady of Mount Carmel Seminary sa Sariaya, Quezon.
Ipinanganak sa Lucena City, si Bishop-elect Panergo ay nagtapos ng Philosophy sa St. Francis de Sales Seminary sa Lipa City, Batangas, at Theology sa St. Alphonsus School of Theology sa Lucena.
Naordinahan siyang pari ng Diocese of Lucena noong September 8, 1997, at sa kasalukuyan ay pinangangasiwaan ang Commission on Vocation ng diyosesis.




